Mga Nakakubling Usapin sa Likod ng SONA 2022

Mga salita nina Sam Delis, Kyla Adornado, at Shane Agarao

Mahigit isang oras na talumpati, labing-siyam na proposed legislations, at labindalawang sektor na binigyang-pansin – ito ang mga teknikal na konseptong numerikal upang ilarawan ang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Ferdinand Romualdez Marcos Jr., anak ng dating kleptokratik na diktador at pangulo na may parehong ngalan.

Kung numero lang din ang pag-uusapan, masasabing hitik ang mga ito sa nagdaang SONA ni Marcos Jr. noong Hulyo 25. Puno ng statistical forecasting ang talumpati, kung saan ang karamihan ng detalye ay nakapokus sa mga nasabing numero sa halip na magbigay ng konkretong detalye at plano para rito. Higit pa sa mga numerong ipinagmalaki ni Marcos Jr., marami ring mga numero ang hindi niya binigyang-pansin sa kanyang talumpati: ang 3,295 extrajudicial killings, 3,700,000 unemployment cases, estate taxes ng kanilang pamilya na nagkakahalagang P203.8 bilyon, 34/100 na marka sa Corruption Perception Index, at ang P12.76 trilyong national debt na iniwan ng administrasyong Duterte.

Kaakibat ng mga numerong ito ang iba’t ibang mga isyu at inihaing mga programa sa mga sektor na tinukoy ni Marcos Jr. sa kanyang kauna-unahang SONA.

Sa likod ng mga numero at porsyento

Hindi maikakaila na magiging hamon sa ekonomiya ng bansa ang pagkadapa mula sa pandemyang dulot ng COVID-19. Dagdag pa rito, samu’t-saring mga krisis sa implasyon, presyo ng mga produktong petrolyo, at national debt ang patuloy na nagiging mabigat na pasanin sa ekonomiya ng bansa.

Tinalakay ni Marcos Jr. sa kanyang SONA ang sektor ng ekonomiya sa pamamagitan ng paglahad ng mga estadistikang kaugnay nito. Ilan sa mga ito ay ang economic boost, inflation rate, at GDP growth.  Ipinagmalaki ni Marcos Jr. ang 8.3% na gross domestic product (GDP) growth ng ekonomiya ng bansa sa unang bahagi ng taon. Ngunit ayon sa pahayagang Altermidya, ang GDP growth na ito ay bunsod ng election-related spending at hindi dahil sa muling pagbukas ng ekonomiya. Dagdag ni Marcos Jr., inaasahang maglalaro lamang sa 4.5% hanggang 5.5% ang average inflation rate bago matapos ang kasalukuyang taon.

Annual Gross Domestic Product From July 2019 to January 2022

Sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), pumalo sa 6.1% ang inflation rate noong Hunyo 2022, na pinakamataas mula pa noong Nobyembre 2018. Matatandaan na kamakailan lamang sa unang public briefing ni Marcos Jr., mariin niyang itinanggi ang porsyento ng inflation rate na inulat ng PSA. 

“6.1%? I will have to disagree with that number, we are not that high,” ani Marcos Jr. 

[6.1%? Hindi ako sang-ayon sa numerong iyan, hindi tayo (inflation rate) ganoong kataas.]

Inflation rate from January 2022 to June 2022

Ayon sa independent research think tank na IBON Foundation, maituturo ring dahilan ang pagtaas ng pamasaheng pang-transportasyon sa pagpalo ng inflation rate sa bansa. Samantala, walang pagbanggit sa kasalukuyang krisis sa langis ang unang SONA ni Marcos Jr. Sa kabila ng kanyang pahayag na “Oil supply is expected to catch up and stabilize”, walang kahit anong konkretong plano na nabanggit upang masolusyonan ang umiiral na oil crisis.

Matatandaan na nitong ika-15 na Marso, ipinatupad ang pinakamalaking pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at labing-siyam na beses na nagkaroon ng oil price hike sa bansa mula nang sumapit ang taong 2022. Sa usapin ng Oil Deregulation Law at 12% value added tax (VAT) na mga pangunahing dahilan ng patuloy na paglobo ng presyo ng langis sa bansa, walang kahit anong detalye o plano na inilahad ang pangulo tungkol dito.

(Basahin: “Tayo ang talo”: Pasakit ng oil price hike sa mga tsuper at masa)

Dagdag pa rito, walang nabanggit na tiyak na hakbang ang pangulo hinggil sa usapin ng sektor ng mga manggagawa. Matatandaan na nito lamang nakalipas na mga buwan, inisyu ang Wage Order No. NCR-23 at nagtakda naman ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ng dagdag sa minimum wage sa National Capital Region (NCR) at ilan pang mga rehiyon. Sa kabila nito, hindi pa rin sasapat ang kaukulang dagdag na ito sa 1,093 pesos na living wage ng isang pangkaraniwang pamilyang Pilipino. Deka-dekada na rin ang panawagan ng mga labor groups para sa isang national minimum wage na naglalayong gawing istandardisado ang pasahod sa bansa sa halip na ibase sa rehiyon at antas ng trabaho.

Pagkumpara sa minimum wage at tunay na minimum wage ng mga manggagawa sa iba’t-ibang rehiyon sa nagdaang wage hike

Bukod sa usapin ng krisis sa langis at wage hike sa bansa, marami pa ring isyu sa sektor ng ekonomiya at manggagawa ang hindi man lang nabanggit ni Marcos Jr. Kabilang na rito ang pakikibaka kontra kontraktwalisasyon at lumalalang unemployment rate sa bansa.

Sa kabila ng mga kwestyonableng plano na inilahad sa kanyang SONA, pursigido si Marcos Jr. sa pagreporma ng tax administration sa bansa at gawing investment destination ang Pilipinas. Isa sa kanyang mga plano ay ang pagpataw ng value added tax (VAT) sa mga digital service providers kagaya ng Netflix, Lazada, Shopee, at Zalora. Aniya, ito ay para umano kumita ang gobyerno ng P11.7 bilyon sa taong 2023. Umani ito ng mga batikos mula sa netizens sapagka’t ang pasanin ay bubuhatin pa rin ng masa. Sa panahon ngayon na ang bansa ay nasa gitna pa rin ng pandemya, ang ganitong dagdag sa buwis ay dagdag lamang sa problema ng mga mamamayan.

Ani Marcos Jr., ang pagreporma ng tax administration sa bansa ay dapat maging prayoridad. Naging manipestasyon ang kanyang mga inihaing legislations na karamihan ay nakapokus sa pagreporma ng pamamahala ng buwis sa bansa. Kabilang sa mga nasabing legislations ay ang Budget Modernization Bill, Tax Package 3: Valuation Reform Bill, at Tax Package 4: Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act (PIFITA). Bagama’t wala pang tiyak na detalye ang mga nasabing programa, malinaw ang layunin ng mga ito: ang pagreporma at re-designing ng tax system and administration sa bansa.

Salungat ang mga plano ni Marcos Jr. sa personal na isyu ng kanyang pamilya sa usapin ng buwis. Matatandaang patong-patong na kaso ng tax evasion ang kinakaharap ni Marcos Jr. at ng kanyang buong pamilya. Dito pa lamang, makikita na kwestyonable ang inilatag na mga planong pang-ekonomiya ni Marcos Jr. sa kanyang unang SONA. Bukod sa mga isyu at kaso ng kanyang pamilya, tila bungi-bungi rin ang mga inilatag na kanyang mga planong pang-ekonomiya dahil sa kakulangan sa detalye at bagkus ay nakapokus lamang sa mga numerong pang-estadistika. Ika nga, hindi kailanman magiging balidong lenggwahe ang estadistika kung walang matibay na pundasyon ang pinanggalingan ng mga numerong ito.

Lupang sakahan, protektahan!

Bilang kasalukuyang kalihim ng Department of Agriculture (DA), malaki ang inaasahan ng sektor ng agrikultura sa administrasyong Marcos. Ani Marcos Jr., ang lumolobong presyo ng mga bilihin at kakulangan sa suplay ng pagkain ang dapat maging target sa sektor ng agrikultura.

Dagdag pa niya, isinapinal na ng Department of Agriculture (DA) na taasan ang produksyon sa susunod na pagtanim o planting season sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pinansyal upang mapanatili umano ang purchasing power. Bukod pa rito, nangako si Marcos Jr. hinggil sa pagbibigay ng pautang sa mga magsasaka at pagbili ng mga farm inputs nang bultuhan. Bwelta ng Altermidya, hindi malinaw kung saan kukunin ng pangulo ang ayudang pinansyal at hindi rin masisiguro ang pagtaas ng produksyon sa pamamagitan ng pagpapautang.

Sa usapin naman ng mga programang agrikultural, nais ni Marcos Jr. na ipagpatuloy ang agrarian reform program on debt burden. Dagdag pa rito, ipapatupad niya umano ang isang executive order na magbibigay ng isang taong moratorium para sa land amortization at interest payments upang mabawasan ang pasanin ng mga magsasaka. Ang nasabing probisyon ay nasa ilalim ng Republic Act No. 11469 o Bayanihan to Heal as One Act. Naisabatas ang R.A. 11469 noong ika-25 ng Marso taong 2020 upang ideklara ang state of national emergency sa pagresponde sa pandemyang dulot ng COVID-19. Nabanggit din ng pangulo sa kanyang talumpati ang pag-amyenda sa R.A. 6657 o mas kilala bilang Comprehensive Agrarian Reform Law of 1988 sa pamamagitan ng pagpapautang sa mga benepisyaryo ng repormang agraryo. Isa rin sa kanyang inihaing labing-siyam na legislations ang National Land Use Act

Sa kabila ng mga programang ito, marami pa ring kakulangan sa kanyang talumpati. Nangako ang pangulo ng reporma sa lupa ngunit walang kahit anong nabanggit hinggil sa usapin ng land conversion at Rice Tariffication Law na patuloy na pumapatay sa agrikultura.

Ipinatupad noong administrasyong Duterte ang Republic Act (RA) 11203 o Rice Tariffication Law upang masiguro umano ang food security sa bansa. Taliwas sa layunin ng nasabing batas, ito ang patuloy na nagpapahirap sa mga magsasakang Pilipino. Ang neoliberal na batas na ito ay patuloy na kumikitil sa hanapbuhay ng mga magsasaka, dahil sa batas na ito, ang mga magsasaka ang mananatiling dehado.

(Basahin: Tyranny over farmlands)

Ayon kay Rafael Mariano, dating kalihim ng agrarian reform at chairperson emeritus ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP),hindi kinakailangan ang land amortization payment sapagkat ito ay lupa ng gobyerno. Dagdag pa ni Mariano, ang plano ni Marcos Jr. na pamamahagi ng 52,000-ektarya ng unused agricultural land ay mas lalong magbibigay-daan sa monopolyo sa lupa.

Hindi na bago ang usaping land use conversion sapagka’t deka-dekada nang nakikibaka ang mga magsasaka kontra sa isyung ito. Dito pa lamang sa Timog Katagalugan, ang estado ng agraryo ay humaharap ng samu’t-saring balakid kagaya ng piyudalismo, pangangamkam ng lupain, at mga kaso ng red-tagging at militarisasyon. Ilan sa mga lupa sa Timog Katagalugan na nakararanas ng mga ganitong balakid ay ang: Lupang Aguinaldo, Lupang Kapdula, Hacienda Matias, Hacienda Tulungan at Lupang Ramos sa Cavite, Hacienda Yulo sa Laguna, Hacienda Roxas, Lupang Lopez, at Hacienda Looc sa Batangas.

(Basahin: Estado ng agraryo sa Timog Katagalugan)

Hangga’t nananatiling neoliberal ang mga polisiyang ipinapatupad sa sektor ng agrikultura, hindi makakamit ang tunay na repormang agraryo.

Usapang kalusugan sa bagong pamunuan

Bukod sa pagbibigay kasiguraduhan sa masa na wala na muling mangyayaring lockdown, ninanais na palaguin at pagtibayin ng administrasyong Marcos ang sektor pangkalusugan.

Iginiit ni Marcos Jr. na magsasagawa ng mga pagbabago at pagsasaayos ng health protocols, pati na rin ang alert level system, upang maibalik na ang full capacity lalong-lalo na sa mga negosyo. Sinabi rin ng pangulo na ipagpapatuloy ang vaccine booster rollout, ngunit wala sa kanyang naging hitik na statistical forecasting ang ang naging tala noong Marso 2022, kung saan 13% ng target population pa lamang  ang nakakakuha ng booster shots. Dahil dito, 27 milyon ng vaccine boosters ang nalalapit nang mag-expire ngayong Hulyo 2022 dulot ng kakulangan sa mandato sa pagkuha ng ikatlong turok na bakuna.

Ani Marcos Jr., ‘Unti unti tayong masasanay na nariyan ang virus pero ‘di na seryoso ang banta sa ating buhay’, ngunit hindi ito mangyayari kung simpleng mandato at pagpaplano sa vaccine booster rollout ay hindi agad naisakatuparan sa unang buwan na kanyang pag-upo.

Binigyang linaw rin ng pangulo na kailangang magtaguyod ng mga health institutes sa loob at labas ng kalakhang Maynila. Wala pa mang opisyal na plano ukol dito, dinagdag niya na inaasahang maitatag ang sariling Center for Disease Control and Prevention at isang vaccine institute sa bansa. Kabilang din sa kanyang nabanggit na proposed legislations ay ang Medical Reserve Corps, National Disease Prevention Management Authority, at Virology Institute of the Philippines bilang katuwang na ahensya ng Department of Science and Technology (DOST).

Sa kabila ng mga nabanggit na plano, binigyang diin ni Alliance of Health Workers (AHW) National President Robert Mendoza sa isang panayam na marami nang nakatayong specialized hospitals sa iba’t ibang rehiyon. Aniya, mas higit na nangangailangan ng dagdag na pasilidad at modernisasyon sa teknolohiya sa halip na magdagdag pa ng mga bagong ospital na magbibigay din lamang ng kulang-kulang na serbisyo sa masa. Bukod pa rito, ang kawalan ng kalihim ng Department of Health (DOH) ay nagpapatunay na kwestyonable pa rin lahat ng planong nabanggit ni Marcos Jr.

Ang mga vision na healthcare infrastructures ay alinsunod sa sinabi ng pangulo na ang layunin ay maabutan ng tulong pangkalusugan ang sinumang nangangailangan, pati na rin sa mga nasa lugar na malayo sa sentro ng bayan. Aniya, ang serbisyong medikal ay kusang dinadala sa masa. Dismayado rin ang AHW sapagkat walang binigay na konkretong aksyon sa usaping benepisyo ng mga frontliners at ang iba pang mga healthcare workers. Dahil dito, mas dumarami ang mga medikal na propesyunal na piniling mangibang bansa. Hindi rin nabanggit ni Marcos Jr. sa kanyang statistical findings na mayroon lamang 3.7 doktor na kayang magbigay tulong sa bawat 10,000 na Pilipino. Ito ay higit na mababa kumpara sa World Health Organization-prescribed ratio na 10 doktor sa bawat 10,000 tao.

Maliban dito, nabanggit din ng pangulo na nagsimula na ang kanilang opisina, katulong ang Department of Trade Industry (DTI) at Philippine Competition Commission sa pagpapababa ng presyo ng gamot, pagtatanggal ng kartel sa merkado, at pakikipag-usap sa mga interesadong manufacturer sa paglalabas ng mas murang generic drugs.

Dahil sa kawalan ng kalihim para sa DOH, ang lahat ng programa ay mananatiling mayroong nakapintang tandang pananong. Ang palaisipan sa sambayanang Pilipino ay ang malaking tanong na “Paano?” .

Edukasyon sa new normal 

Deka-dekada ng problema ng bansa ang sistematikong krisis sa edukasyon. Sa dagok na iniwan ng pandemya dulot ng COVID-19, mas lalong lumala ang krisis sa edukasyon sa bansa. Ang Pilipinas ay isa sa dalawang bansa na hindi pa rin nagsasagawa ng kahit anong uri ng face-to-face classes matapos pa lamang ang labing-pitong linggo ng lockdown dulot ng pandemya. Samakatuwid, tayo ay nahuhuli.

Maraming mga mag-aaral at guro ang nangangapa pa rin sa kasalukuyang remote learning dahil sa kakulangan sa mga gadgets, kawalan ng maayos na internet connectivity, at ang knowledge gap na nabubuo dulot ng panibagong setup ng mga silid-aralan. Hindi biro ang mahigit dalawang taong remote learning na patuloy na nagpapahirap sa hanay ng mga mag-aaral at kaguruan.

(Basahin: Hide and Seek: How pandemic response affects young learners)

Sa usapin ng Ligtas na Balik Eskwela (LNBE), binigyang diin ito ni Marcos Jr. 

I believe it is time for our children to return to full face-to-face classes once again”,  ani Marcos Jr. 

[Naniniwala akong oras na para bumalik sa full face-to-face na klase ang mga mag-aaral.]

Ang mga katagang ito ay binigyang-diin ng pangulo sa kabila ng kawalan ng maayos na plano patungkol sa reallocation ng budget tungo sa retrofitting schools, pagbibigay ng mga materyales sa educational institutions, at ang pagbibigay ng socio economic assistance sa mga estudyante Dagdag pa niya, pinangungunahan ni Bise Presidente Sara Duterte ang paghahanda para sa paparating na ligtas na balik eskwela.

Sa usapin naman ng K-12 program, ani Marcos Jr., kinakailangang ulitin ang masinsinang pagsusuri rito. Isa sa mga layunin ng nasabing programa ay makalikha ng globally competitive at job-ready na mga mag-aaral, ngunit ang layunin ay tila lumiko sa maling daan. Marami pa ring mga kompanya ang hindi tumatanggap ng mga mag-aaral na tanging senior high school lamang ang tinapos, ayon sa Philippine Business for Education. Bukod pa rito, ang neoliberal na polisiyang ito ay pumapabor lamang sa mga foreign industries sapagkat ang ganitong klase na programa ay nananatiling komersyalisado at kolonyal.

(Basahin: Youth in Peril: Faults and hopes of the Philippines’ educational system)

Nabanggit din ni Marcos Jr. na kinakailangang pagtuunan ng pansin ang mga STEM (Science, Techonology, Engineering, and Mathematics) courses upang ang mga mag-aaral ay maging globally competitive. Ang isyung ito ay isa rin sa mga pinag-uusapan noon pa man sa kadahilanang mas pinagtutuunan ng pansin ang mga kursong nakapaloob sa STEM strand kumpara sa mga kursong nakapaloob sa ibang larangan gaya ng humanidades. Ito ay isang manipestasyon ng neoliberal na edukasyon sa ating bansa, kung saan nagiging produkto lamang ang mga estudyante para sa mga malalaking korporasyon. Dagdag pa rito, tila nagiging pokus lamang ng edukasyon ang kompetisyon sa merkado ng mga manggagawa at propesyunal imbis na nakatuon sa paghubog sa mga ito na maging kritikal na mamamayan ng ating bansa.

Bukod pa rito, pinagdiinan din ni Marcos Jr. na dapat nating samantalahin ang paggamit ng lenggwaheng Ingles dahil ito ay isang “advantage”. Aniya, ang lenggwahe ng internet ay Ingles, kung kaya’t nararapat na suriin muli ang medium of instruction sa kurikulum ng ating bansa. Sa pahayag na ito ng pangulo, tila ang kanyang pahiwatig ay ang wikang Ingles ang magiging susi upang maging globally competitive ang mga mag-aaral sa bansa. Dito pa lamang, masasalamin na ang kanyang mga platapormang pang-edukasyon ay kolonisado at komersyalisado.

Kaugnay nito, napakaraming inaasahang plano ang mga kaguruan, katulad na lamang ng pagtaas ng kanilang sahod na hindi nabanggit sa SONA. Giit ni Alliance of Concerned Teachers (ACT) Chairperson Vladimir Quetua, habang nadoble ang sahod ng mga sundalo at pulis ay napapag-iwanan naman ang mga kaguruan. Ika nga nila, “teachers are overworked yet underpaid”. Hindi na rin nakapagtataka kung bakit napakaraming guro ang pinipili na umalis o mag-iba ng propesyon dahil sa kakarampot na sahod na kanilang  na natatanggap. Ito rin ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit patuloy na lumalala ang krisis ng edukasyon sa bansa.

Sa halip na magbigay ng mga konkretong plano upang maisaayos ang sistema ng edukasyon sa bansa at matuldukan ang krisis na kaakibat nito, determinado si Marcos Jr. sa implementasyon ng Mandatory Reserve Officers’ Training Corps and National Service Training Program (ROTC and NSTP) para sa mga mag-aaral ng senior high school. Umani ito ng batikos dahil sa mga kaso ng abuso kaugnay ng programang ito, pati na rin ang dagdag na pasanin sa mga estudyante.

Tila malabnaw pa rin ang mga plano ni Marcos Jr. sa usapin ng edukasyon sa bansa. Sa kabila ng mga mabubulaklak na programang inihain nito, hindi pa rin malinaw kung makakamit ba ang isang inklusibong edukasyon para sa masa.

Mapait na kapalit ng mga proyektong pang-akit

Isa sa mga ipinagmamalaki ng administrasyong Duterte ang mga imprastruktura na tila ginawang basehan sa “tagumpay” ng gobyerno sa nakaraang anim na taon. Tinatawag na flagship program ng administrasyong Duterte ang Build! Build! Build! (BBB) Program upang maisulong umano ang “Golden Age of Infrastructure” sa bansa. Sa proyektong ito, binubuo ang imprastruktura ng 52.1% na railways, 27.3% na tulay at kalsada, 8% na paliparan, 5.2% na mass transit, at 1.6% na daungan. Sa likod ng mga imprastrukturang ito ay kaakibat ang mga anomalya kagaya ng misdirection of funds, korapsyon, at environmental neglect.

(Basahin: What the Build! Build! Build! Program truly destroys)

Sa kabila ng mga kontrobersya sa programang pang-imprastruktura ni Duterte, idiniin ni Marcos Jr. na ipagpapatuloy at mas papalawakin pa niya ang programa ng nakaraang administrasyon. Naniniwala siya na ang pagpapayabong ng mga imprastruktura ay susi upang mapaunlad ang iba pang mga sektor. Ilan sa mga proyektong kanyang binanggit ay ang pagmomodernisa ng mga lumang railway system, pag-upgrade ng mga lumang paliparan at pagpapatayo ng mga bago, at higit sa lahat ay ituloy ang mga ongoing na proyekto sa ilalim ng BBB Program.

Dagdag pa rito, sinabi rin ni Marcos Jr. na mananatili sa 5-6% ng gross domestic product (GDP) ang pondo na ilalaan para sa pagpapaunlad ng mga imprastruktura. Para sa taong 2022, inaprubahan ang P5.024 trilyon na national budget. Ang halagang ito ay mas mataas ng 11.5% sa 2021 national budget, kung kaya’t ang 2022 national budget ang pinakamataas na badyet sa kasaysayan. Sa halagang ito, ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na siyang nangangasiwa ng mga imprastruktura sa bansa ay pangalawa sa mga ahensyang makakatanggap ng pinakamalaking badyet na nagkakahalagang P686.1 bilyon. Ang ganitong klaseng budget allotment ay kwestyonable lalo na’t ang ating bansa ay nasa gitna ng pandemya.

Sa usapin naman ng turismo, binigyang diin ni Marcos Jr. na hitik sa mga oportunidad ang sektor ng turismo. Aniya, magtutulungan ang Department of Tourism (DOT) at DPWH sa pagpapayabong ng industriya ng turismo sa bansa sa pamamagitan ng pagsasaayos ng mga kalsada at tourism spots, paga-upgrade ng mga daungan at paliparan, at pagsusulong ng institutionalized creative industry.

Sa likod ng mga mabubulaklak na proyekto para sa turismo at imprastruktura sa bansa, walang nabanggit ang pangulo hinggil sa magiging kapalit ng mga proyektong ito. Matatandaang maraming kaso ng displacement ang naiuulat dahil sa pagpapatayo ng mga imprastruktura. Isa sa mga halimbawa nito ay ang nararanasang panggigipit ng mga mamamayan sa Sitio Maligaya, San Isidro Sur, Sto. Tomas, Batangas dahil sa pagpapatayo ng Malvar – Sto. Tomas Diversion Road. Mahigit 20 na tirahan ang giniba sa kabila ng hindi pagbibigay ng anumang kasulatang naglalahad ng abiso at kompensasyon sa mga mamamayan ng Sitio Maligaya.

(Basahin: Sitio Maligaya residents mobilize against demolition, eviction threats)

Isa lamang ang kaso ng Sitio Maligaya sa ilan pang mga epekto ng pagpapatayo ng mga nasabing imprastruktura. Hindi na rin bago ang ganitong uri ng sitwasyon sa usapin ng turismo sa bansa. Samu’t-saring kaso ng land aggression ang patuloy na nangyayari dahil sa pagpapatayo ng mga tourism and recreational spots. Isa sa mga kaso nito ay ang Hacienda Looc sa Batangas at Patungan sa Cavite, kung saan ang mga mamamayan sa naturang mga lugar ay patuloy na nakararanas ng panghaharas at sapilitang pagpapaalis upang kamkamin ang lupa.

Kung ang kapalit ng kada kalsada o tulay ay ang kawalan ng tahanan at pagkasira ng kapaligiran, para saan nga ba ang mga proyektong ito?

Serbisyo o negosyo?

There is no question that the preservation of the environment is the preservation of life.

[Hindi maikakaila na ang pangangalaga sa kalikasan ay pangangalaga rin sa sangkatauhan.]

Sa mga katagang ito ni Marcos Jr. hinggil sa usaping pangkalikasan, layunin niyang bigyang-diin ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan. Ayon sa ulat ng Institute for Economics and Peace noong taong 2019, ang Pilipinas ang bansang pinaka-vulnerable sa epekto ng climate change.

Kabilang sa mga inihaing plataporma ni Marcos Jr. ay ang pagtangkilik sa mga renewable energy sources kagaya ng hydro, geothermal, solar, at wind power. Dagdag pa niya, dapat tayong mamuhunan sa agham at teknolohiya upang magkaroon ng masusi at epektibong weather forecast at disaster alerts katulong ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Public Works and Highways (DPWH).

Hinggil naman sa usapin ng paggamit ng enerhiya sa bansa, nabanggit ni Marcos Jr. ang kanyang plano sa pagpapatayo ng mga bagong nuclear power plant.

Matatandaang ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) ay naging simbolo ng korapsyon ng administrasyong Arroyo at Marcos Sr. Taong 1976 nang ipinatayo ni Marcos Sr. ang Bataan Nuclear Power Plant sa Morong, Bataan ngunit hindi ito kailanman binuksan sa publiko dahil umano sa panganib na dala nito dulot ng Mt. Pinatubo, na dormant naman noong nasabing mga taon. Samu’t-saring mga kontrobersya at anomalya ang bumabalot sa BNPP, kabilang na ang mga plano na muli itong buksan. Bukod sa bilyon-bilyong piso na magagamit sa plano ni Marcos Jr. na magpatayo ng mga bagong nuclear power plants, tanging mga malalaking korporasyon at kapitalista lamang ang kakamal sa ganitong proyekto.

Taliwas sa pagsusulong ni Marcos Jr. sa paggamit ng mga renewable energy sources sa bansa, ang kanyang mga inilatag na plano ukol sa nuclear energy at natural gas ay kabilang sa mga non-renewable energy sources. Dagdag pa rito, isa sa mga proposed legislations ni Marcos Jr. ang enactment para sa isang batas na magsusulong ng natural gas industry sa bansa at pag-amyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).

Ani Marcos Jr., ang pangangalaga sa kalikasan ay katumbas sa pangangalaga sa sangkatauhan. Ngunit paano ito maisusulong kung ang mga programang pang-enerhiya at pang-kalikasan ay tila papabor sa mga kapitalista at malalaking korporasyon?

Mga “pangako” sa sambayanang Pilipino

“Hindi natin papahirapan ang mga biktima ng krisis na dudulog sa ahensya, gagawin nating simple ang proseso ng paghingi at pagparating ng tulong dahil hindi naman dapat dinadagdagan pa ang nararanasan ng ating mamamayan,”  saad ni Marcos Jr.

Sa usapin ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), sinabi ni Marcos Jr. na titiyakin na malilinis o mare-review ang listahan ng mga benepisyaryo. Nabanggit din niya ang pagpapatibay sa programang Violence Against Women And Their Children; kabilang ang pagsasakatuparan ng counseling para sa mga biktima. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), isa sa apat na mga babae ang siyang nakararanas ng pisikal, emosyonal, at sekswal na pang-aabuso mula sa kanilang mga  asawa o kasintahan, at 41% ng mga biktima ay hindi humihingi ng tulong sa awtoridad o propesyonal. Hangad din umano ng pangulo na magsulong ng mga programa para sa mga solo parents ng bansa.

Kaugnay ng usaping social welfare, malaking parte rin ng talumpati ang inalay para sa mga kababayan natin sa ibayong dagat. Sa kabila ng mga umaapaw na technical jargons sa sektor ng ekonomiya, edukasyon, kalusugan, at imprastruktura, nakatuon sa emosyonal na pahayag at makabagbag-damdaming mga naratibo si Marcos Jr. nang kanyang simulan na ilatag ang mga plano sa sektor ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Ang mga linyahan na “You, OFWs, represent the fighting faith of the Filipinos as a nation and as a people”, pati na ang “You (all) deserve a home in the government” ay iilan lamang sa mga mabulaklak na pahayag ng pangulo sa usaping OFWs, kung saan nakahakot ito ang 475,982 na boto sa nakaraang eleksyon

Isa sa mga proyektong inihain ng pangulo, kaakibat ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of Migrant Workers (DMW), ay ang pagtatanggal ng red tape sa pamamagitan ng digital empowerment. Magreresulta ito sa mas mabilis na pag-aasikaso ng automated verification of contracts at Overseas Employment Certifications (OEC) gamit lamang ang smartphones. Ang dating tatlong buwan ay magiging tatlong linggo na lamang ang gugugulin ng foreign employers sa papeles ng OFWs. Kabilang na rito ang pagpapaikli ng mga tuntunin at regulasyon sa pangingibang-bansa. Ang orihinal na 240 seksyon na manwal ay gagawin na lamang pamphlet na hindi lalampas sa 100 na pahina. 

Bukod pa rito, nanawagan din si Marcos Jr. sa Department of Foreign Affairs (DFA) at DMW hinggil sa pagsasaayos ng mga diplomatic post upang agarang maibalik sa trabaho ang mga OFWs na nawalan ng trabaho dulot ng pandemya, habang tinitiyak na ang kanilang trabaho ay tugma sa kanilang mga kasanayan. Ngunit sa mga binitawang plano ay walang ibinigay na konkretong proseso ng pagsasakatuparan nito.

Sa usapin naman ng proteksyon para sa mga ‘bagong bayani’, ani Marcos, pinaplanong ilunsad ang One Repatriation Command Center (ORCC) na magbabantay at tututok sa mga OFWs na naiipit sa kaguluhan, inaabuso, at nanganganib ang buhay. Tinapos ng pangulo ang talumpati sa sektor ng OFW sa pagbibigay ng malaking pasasalamat kay dating Pangulong Duterte na nagpasa umano ng batas sa pagtataguyod ng Department of Migrant Workers.

Kapansin-pansing maraming inilatag na programa si Marcos Jr. para sa mga OFW sa halip na ugatin ang dahilan sa pangingibang-bansa ng mga Pilipino. Matapos ang termino ng kanyang amang si Marcos Sr., lumobo ang bilang ng mga OFWs dahil sa pagpalo ng unemployment rate matapos ang Batas Militar. Samakatuwid, libo-libong mga Pilipino ang nakikipagsapalaran sa ibang bansa dahil sa kakulangan sa oportunidad dito sa sariling bansa. Marahil ito ay malabo para kay Marcos Jr. sapagkat ang kanyang prayoridad ay magsulong ng mga programang pang-OFW sa halip na palakasin ang lakas-paggawa, paigtingin ang mga makataong polisiya sa mga manggagawa at propesyunal, at magpatayo ng mga pambansang industriya sa sariling bansa.

Sa pagbabalik-tanaw sa mga nakaraang eleksyon, hindi maipagkakailang ang mga naratibong nakakaantig sa puso ang nanaig kumpara sa konkretong listahan ng mga plataporma. Sa mala-teleseryeng paraan, patuloy na maghihintay at aasa lamang ang sambayanang Pilipino na ang mga pangakong nabanggit ng pangulo ay hindi mapapako.

Nakakubling interes ng mga makadayuhang alyansa

“I will not preside over any process that will abandon even the one square inch of territory of the Republic of the Philippines to any foreign power. (…) the Philippines shall continue to be a friend to all and an enemy to none.”

[Hindi ko pangungunahan ang anumang proseso na magtataya ng kahit isang pulgadang parisukat ng teritoryo ng Republika ng Pilipinas (…) ang Pilipinas ay magpapatuloy sa pagiging kaibigan ng lahat at hindi magiging kaaway ng anumang bansa.]

Matapos bitawan ni Marcos Jr. ang mga katagang ito, hindi magkamayaw sa paghiyaw at palakpakan ang mga panauhin sa Batasang Pambansa. Malinaw na pumukaw ng pag-asa ang pahayag na ito sa mga kongresista, senador, at iba pang mga panauhin sa SONA 2022.

Tila taliwas ang dalawang paksa sa pahayag na ito ng pangulo. Una, posible nga ba tayong maging kaibigan ng lahat ng bansa kung tunay niyang ipaglalaban ang teritoryo ng Pilipinas?

Matatandaang sa panayam noong Setyembre 2021, sinabi ni Marcos Jr. na ang policy engagement ni dating Pangulong Duterte ukol sa West Philippine Sea ay right way to go dahil umano sa kawalan ng kakayahan ng bansa na masangkot sa anumang uri ng giyera. Dahil sa pahayag na ito ni Marcos Jr., sinabi ng chairperson ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura na si Antonio Flores na: “Bongbong Marcos Jr.’s subservience to imperialist interests mirrors that of his father, Duterte, and all presidents in between who have shamelessly let foreign monopoly capitalists in cahoots with big landlords and compradors plunder Philippine lands and seas.”

[Ang pagiging sunud-sunuran ni Bongbong Marcos Jr. sa interes ng mga imperyalista ay sumasalamin sa pagiging tuta ng kanyang ama, ni Duterte, at lahat ng mga naging pangulo sa pagitan ni Marcos at Duterte, na walang-hiyang inabandona ang teritoryo ng bansa sa kamay ng mga monopolyong kapitalista, mga panginoong maylupa, at mga komprador.]

Dagdag pa rito, sinabi rin ni Marcos Jr. na ang China ang pinakamatibay na kaalyado ng Pilipinas habang tayo ay bumabangon sa krisis na dulot ng pandemya. Wika niya sa kanyang talumpati, ang mga alyansa na nabuo noong pandemya ay susi para makamit ang stabilidad ng ekonomiya ng bansa.

Nito lamang huling linggo ng Mayo, matatandaang nakipag-usap si Marcos Jr. sa top diplomat ng Washington DC ukol sa re-signing and extension ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos. Para sa konteksto, ang VFA ay isang military pact na nakaugat pa sa Mutual Defense Treaty noong 1951 nagpapahintulot sa pagbabalik ng military operations at kasundaluhan ng Estados Unidos dito sa ating bansa. Nagbunga ito ng kaliwa’t-kanang mga protesta sapagka’t isa itong manipestasyon ng pagiging tuta ng Pilipinas sa mga imperyalistang bansa kagaya ng Estados Unidos.

Sa patuloy na pag-igting ng mga neoliberal na polisiya sa bansa, ang interes ay mananatiling nakakiling sa mga nasa itaas ng tatsulok kabilang na ang mga imperyalistang bansa, mga bilyonaryo at kapitalista, at mga monopolyong korporasyon. Bagama’t labing-siyam na legislations ang inihain ni Marcos Jr., tunay ngang walang halaga ang kahit anong bilang kung nakokompromiso naman ang kalidad nito.

Sa loob ng mahigit isang oras na talumpati, wala man lang naging pagbanggit sa mga sumusunod na sektor o aspeto: press freedom, mga isyu sa human rights, peace talks sa pagitan ng CPP-NPA-NDF, drug war, kriminalidad, mga suliranin ng pwersang manggagawa, at marami pang iba.

Ito pa lamang ang simula ng anim na taon ng bagong administrasyon – bagong pangulo, ngunit hindi bagong apelyido. Hindi matatapos sa unang State of the Nation Address ng bagong Marcos ang pagbabantay at pakikibaka. 

Ang laya mo’y babantayan, Pilipinas kong hirang. [P]

2 thoughts on “Mga Nakakubling Usapin sa Likod ng SONA 2022

Leave a comment