Silang nawawala, hinahanap at inaalala:

Pagbabalik tanaw sa Desaparesidos ng estado at nagpapatuloy na paglaban sa hustisya 

Mga Salita ni Norland Cruz

Lumuwang man ang mga balat at naging kulay pilak man ang buhok, nilimot man ng panahon at lipunan ang malagim na sinapit ng kanyang anak sa kamay ng estado, may isang bagay pa rin ang hindi magbabago para kay Nanay Erlinda Cadapan— ang patuloy na ipanawagan ang katarungan para kay Sherlyn Cadapan, ang anak niyang biktima ng sapilitang pagkawala labing anim na taon na ang nakararaan. 

Dalawampu’t walong taong gulang si Sherlyn nang dakpin ng militar sa Hagonoy, Bulacan noong ika-26 ng Hunyo 2006 kasama ang kanyang kaibigang si Karen Empeño, 22, parehong estudyante ng UP Diliman. Sport Science senior student si Sherlyn noon, habang graduating sociology student si Karen, na piniling isagawa ang kanyang fieldwork katuwang ang mga marhinalisadong magsasaka; ngunit pinaghinalaan silang mga rebelde. Dekada ang lumipas, subalit nananatiling malabo ang katarungan, at inaalala na lamang ng ina sa gunita at paglaban sa lansangan ang pinakamamahal na anak. 

Isa lamang si Sherlyn sa ilang libong desaparesidos na “winala” ng estado. Ayon sa tala ng Families of Victims of Involuntary Disappearance (FIND), 1996 ang dokumentadong kaso ng sapilitang pagkawala sa bansa, 1, 165 dito ay nawawala habang 244 naman ang kumpirmadong patay.  Higit sa paghahanap sa nawawala, mas maigting ang paglaban ng mga pamilyang naulila hindi lamang sa paghingi ng hustisya kundi paniningil ng pananagutan sa tunay na salarin ng pagkawala— ang pwersang militar at ng pamahalaan, mula pa noong diktaduryang Marcos hanggang sa kasalukuyan.

Lagim ng nakaraan 

Sa pagkakataong nais patahimikin ng estado ang sinumang bumalikwas, sapilitang pagkawala ang isa sa mga tugon nito upang magpalaganap ng lagim at dahas sa mamamayan,  at ang mga biktimang hindi na muling natatagpuan ay tinatawag na ‘desaparecidos’—salitang buhat sa Espanyol na nangangahulugang “mga nawawala”. Naging palasak ang terminolohiya sa politikal na klima ng Latin America, partikular sa bansang Argentina sa konteksto ng aktibong pakikibaka ng mga mamamayan kontra sa diktaduryang Jorge Rafael Videla na namayani noong 1974 hanggang 1983. 

Hindi ito nalalayo sa sinapit ng Pilipinas noong Batas Militar dahil unang pumasok sa kamalayang Pilipino ang nasabing salita noong Dekada ‘70. Naranasan ng bansa ang pinakamatinding paglabag sa Karapatang Pantao— mahigit 70,000 ang bilanggong politikal, 34,000 ang tinortyur, mahigit 3,000 ang pinatay, at mahigit 800 ang desaparecidos ayon sa global human rights organization na Amnesty International. 

Naglahong pangarap

Kilala sa pamantasan bilang varsity athlete si Sherlyn o “She”, subalit pag uwi sa tahanan, isa siyang simple at mapagmahal na anak na kilala sa tawag na “Nenen”.Bawat linggo ay uumuwi ito sa bahay sa Los Baños, Laguna upang makapiling ang pamilya. Mapamaraan dahil nakatutulong ito sa pamilya sa pamamagitan ng pag uuwi ng medalya at premyong napanalunan sa kanyang Sprinting sports competition. “Ngayon, kapag nanonood ako ng sports—lalo ‘pag takbuhan—‘di ko namamalayan na tumutulo na pala ang luha ko,” pagmamalaking sambit ni Nanay Linda sa anak sa isang panayam ng Philippine Colegian. 

Subalit batid ni Sherlyn ang mas malaking laban higit pa sa paglahok sa kompetisyong pampalakasan—ang pagtindig sa hanay ng masa. Naging aktibista ito habang nag aaral sa pamantasan; dekada nobenta nang maranasang maaresto sa piket ng mga manggagawa ng SM North. Kalaunan, naging miyembro ng organisasyong pangkabataan na Anakbayan at naging kinatawan ng College of Human Kinetics sa konseho ng UP Diliman University Student Council. Ikinagalit ito ni Nanay Linda noong una sa paniniwalang sagabal  lamang palagi sa daan ang mga nagpoprotesta at takot na baka maging biktima ng estado ang anak. Hind naglaon, sinuportahan pa rin nya ang dalaga lalo nang maging organisador ng Alyansang Magbubukid sa Bulacan. Subalit, dumating ang kinakatakot ng ina na mangyari ang karumal dumal na maaaring sapitin ng anak sa landas na tinahak. 

Madaling araw ng Hunyo 26 nang dakpin ng 7th Infantry Division ng Armed Forces of the Philippines ang dalawang mag aaral kasama ang magsasakang si Manuel Meriño, tinortyur habang sinilaban nang buhay ang magsasaka; ayon kay Raymond Manalo, isang bihag na nakatakas sa pagkakadakip. Ngunit, tulad ng karumal dumal na nangyari sa anak, ganito rin kalala ang naging proseso ng ina sa paghahanap ng katarungan. 

Taon ang ginugol niya, kasama ang magulang ni Karen, upang makamit ang hustisya sa anyo ng pangangalampag sa korte suprema, panawagan sa mobilisasyon, pagsasalita sa hanay ng mga kapwa naulilang desaparesidos, at pagpapanagot sa estadong militar na itinuturong tunay na maysala. Walong taon ang binilang ng pamilya bago pinal na mahatulan noong 2014 si Retired Army Maj. Gen. Jovito Palparan Jr; ang utak sa likod ng sapilitang pagkawala ng dalawang estudyante. Subalit, walong taon muli, ngayong taong 2022 lamang nang mapagpasyahan ng Court of Appeals First Division na patawan ng ‘reclusion perpetua’ without eligibility of Parole— apatnapung taong pagkakapiit hanggang pumanaw. [READ: Timeline: Search for Justice for Sherlyn Cadapan and Karen Empeño

Kultura ng Impunidad 

Ayon sa FIND, 926 ang dokumentadong sapilitang nawala noong diktaduryang Marcos bunsod ng matinding supresyon noong Batas Militar. Walang pinagkaiba kung mailalarawan ang panunumbalik Demokrasya sa ilalim ng administrasyong Corazon Aquino sa nakaraang panunungkulan gayong 825 desaparesidos ang naitala sa kanyang pamamahala bunga ng “total war policy” laban sa mga hinihinalang rebelde. 63 naman ang naging biktima sa ilalim ng pamahalaang Joseph Estrada matapos itong magdeklara ng giyera laban sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) na nagluwal naman sa pagkawala ng mga inosente. 

Sa administrasyong Arroyo naman, naitala ang 336 bilang ng desaparesidos mula sa programang Oplan Bantay-Laya, habang ipinagpatuloy lamang ng pamahalaang Benigno Aquino III ang legasiya ng karahasan sa sariling anyo ng kontra- insurhensya na Oplan Bayanihan (OpBay) na nakapagtala ng 540 kaso target ang mga katutubo. [READ: Enforce justice, not disappearances ] Mga hinihinalang durugista naman ang naging desaparesidos sa kamay ng berdugong Pangulong Duterte. Sa ilalim ng kanyang ‘Giyera Kontra Droga’, 50 ang naitalang kaso ng pagkawala habang 24 rito ay may kinalaman sa nasabing giyera. 

Maaaring estatistika lamang ito kung titignan, subalit tangan nito ang libong mga alaalang ibinaon ng estado sa limot, at pinanatili nitong ilusyon ang paghahanap sa mga biktima. Gayunpaman, bilang aktibong aktibista at Chairperson ng mismong organisasyong ‘Desaparesidos’, patuloy pa ring nakikibaka si Nanay Linda laban sa pandarahas ng estado ngayong ganap na batas ang Anti- Terrorism Law na nagbibigay daan sa ilegal na pagkakakulong sa sinumang ituro ng estado bilang kalaban ng bayan. 

“We fear that Duterte’s terror law will enable State forces to resort to extraordinary measures such as abductions and enforced disappearances like what they did to my daughter to instill fear on its critics and activists as the government spins out of control because of the pandemic and the ailing economy,pahayag ni Cadapan sa isang forum ng KARAPATAN, organisasyong nagtataguyod sa karapatang pantao. 

Sa bansa na kung saan kinatatakutan ang mamamayang nakikibaka, nagsilbing makinarya ang mga programang kontra- insurhensya ng pamahalaan upang umano’y supilin ang mga terorista ngunit mistulang mas sinupil at kinitil nito ang demokratikong karapatan ng taumbayang magsalita sa kanilang kabulukan. 

Desaparesidos, palitawin! 

Nakulong man ang salarin sa pagkawala ni Sherlyn, para kay Nanay Linda, hindi ito tunay na hustisya dahil hindi nito kayang tumbasan ang pighating idinulot ng kanyang paglaho. Dagdag pa nito, sa panunumbalik ng anak ng diktador bilang pangulo, tila lumabnaw ang hinihingi nilang hustisya dahil ang pagkakaupo niya ay isang lantarang pagyurak sa alaala at sakripisyo ng mga naglaho. “ Clearly, this atrocious connivance of two clans of fascist rulers and their cohorts is a grave insult to the memories of our loved ones, to those who fought for our rights and freedom, and to the nation as a whole,” pahayag ni Nanay Linda sa isang panayam. Sa pasistang estado kung saan kamatayan ang kahulugan ng pagsalungat, kailangan ni Nanay Linda na tatagan ang kanyang loob, hindi lamang bilang ina, kundi bilang simbolo ng pag asa ng kanyang mga kahanay ngayong malaking dagok ang nagbabalik-kapangyarihang pamilya na siyang naging ugat ng pag usbong ng mga desaparesidos. 

Kaya bawat taon, inilulunsad kasama ng mga progresibong grupo ang mga panawagang palitawin ang mga desaparesidos sa iba’t ibang rehiyon at nagdaang administrasyon. “ Ang aking anak ay hindi terorista, isa siyang lider-estudyante. Ang mga dinakip ay mga magsasaka na gusto lamang mabahaginan ng lupang sakahan, mga organisador na nais lamang ng tamang pagtrato sa trabaho. Wala rin kaming mahingian ng tulong dyan sa gobyerno”, mariing pahayag ni Nanay Linda sa panayam sa unang araw ng “Wikipedia edit-a-thon”, isang Educational Discussion na isinagawa ng UP Internet Freedom Network kaalinsabay ng paggunita sa pagdeklara ng Batas Militar. 

Nagpapatuloy rin ang sangkaestudyantehan at kabataan sa pangangalampag sa anyo ng mobilisasyon. Ayon sa tagapagsalita ng Kabataan Partylist- Southern Tagalog, PNP at AFP ang pangunahing nagpapalaganap ng karahasan sa mga kabataan upang supilin ang pagiging kritikal nito, kaya hinihingi ng panahon ang pakikiisa sa paglaban upang igiit pa ang ating karapatan sa kalayaan sa pagpapahayag. Pagpapaalala rin ito na hindi marapat sayangin ang sakripisyo ng mga aktibistang dinukot ng estado. 

Subalit, sa halip na mawalan muli ng pag asa, positibong nakatanaw sa hinaharap ang ina ngayong mas umiigting ang kanilang hanay na nais ring ipaglaban ang kanilang panawagan. Magpahanggang ngayon, hindi pa rin natatagpuan ang kanyang anak, ngunit,  binubuhay na lamang nito ang masasayang gunita kapiling ang anak sa kanyang isip, “Lagi kong napapanaginipang nakauwi na ang Sherlyn namin, nakaupo sa dati niyang kama, nakangiti. Alam kong darating din ang araw na iyon.” Sa paggunita sa pandaigdigang araw ng mga desaparesidos ngayong Agosto 30, ang UPLB Perspective, kahanay ang iba pang progresibong organisasyon, ay kolektibong inaalala ang mapait na naratibo ng mga libu-libong biktima ng sapilitang pagkawala sa lahat ng nagdaang administrasyon. Hangga’t nagpapatuloy ang sistemikong sakit ng lipunan at pagyurak sa karapatang pantao sa kasalukuyan, patuloy ring aalingawngaw ang mga boses na humihingi ng pananagutan sa marahas na pag iral ng panlipunang inhustisya na ito. Ang mga desaparesido—silang mga nawawala, hinahanap, at inaalala; ngunit higit sa lahat, silang mga ipinaglalaban ng hanay gaano man kailap ang hustisya [P] .

One thought on “Silang nawawala, hinahanap at inaalala:

Leave a comment