Bumoto ka na ba ngayong eleksyon?

Mga salita nina Chryzel Alano at Reno Padilla

Bumoto ka na ba ngayong eleksyon? Mababa kasi voter turnout ng Day 1

Bilang mga estudyante, mahalagang magampanan natin ang tungkulin na bumoto ng mga iluluklok sa konseho. Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng tunay na representasyon ng estudyante, maihahain natin ang ating mga panawagan sa mga decision-making body ng pamantasan. Tinitiyak nito na ang mga polisiya at patakarang naipatutupad ay nakabatay sa interes ng estudyante, patungo sa estudyante. Pero paano ito maisasakatuparan kung ang bilang ng mga nailuluklok sa konseho ay hindi sumasasapat sa kadahilanang hindi aktibong nakikilahok sa eleksyon ang mga estudyante?

Sa unang araw ng UPLB USC-CSC Elections, naitala ng UPVote ang 6.84%  o 977 na bilang ng voter turnout. Mas mababa ito kumpara nakaraang eleksyon na may bilang na 1,135 o 8.06% ng mga rehistradong botante. Sa paglipas ng panahon, tila lalong bumababa ang partisipasyon ng sangkaestudyantehan sa pagboto. 

Maaaring maiugat ang mababang voter turnout sa maraming dahilan. Kasama na rito ang pagkalubog sa neoliberal na porma ng sistemang pang-edukasyon ng mga estudyante.  Naitatali nito ang mga estudyante sa mga pang-akademikong gawain. Tambak ang mga “exers” at sunod sunod na exams kahit hindi pa “hell week”. Hindi na nga ata kasya ang 24 oras sa isang araw para matapos ang kanilang gawain, paano pa kaya ang oras para sa pagpapahinga? Dito na rin maaaring umuusbong ang kanilang kawalan ng kalooban na makilahok sa mga gawain na labas sa pang-akademiko. Sa kabilang banda, pwede ring ito ay dahil sa hindi aksesible ang website kung saan pwede bumoto. Pero gayunpaman, nararapat na mabigyang bigat ng mga estudyante ang UPLB USC-CSC Elections bilang pinakamalaking stakeholder ng pamantasan. 

Bumoto ka na ba ngayong eleksyon? Nakita mo na ba ang option na abstain?

Tuwing USC-CSC Elections, mayroon laging nasasama sa balota na hindi naman nangampanya – ang abstain. Sa datos ng nakaraang eleksyon, dikit ang bilang ng bumoto ng abstain at ng bumoto para sa tumatakbong USC Chairperson. Umabot naman ng higit isang libo ang bumoto ng abstain para sa USC Vice Chairperson at Councilors. Halos wala namang nanghihikayat tuwing botohan na piliin ang abstain pero bakit nga ba maraming pumipili nito?

Mababaw mang pakinggan, mayroong mga bumoboto ng abstain dahil hindi nila kilala ang kandidato, at maaaring hindi nila nais panagutan ang paghalal sa kandidatong hindi naman buo ang loob nilang ihalal. Bagaman may katwiran sa ganitong sentimyento, nariyan pa rin ang pangangailangang bakahin ang ugat kung bakit ito nangyayari. 

Sa bahagi ng mga botante, nariyan ang responsibilidad bilang parte ng pamantasan na alamin at siyasatin ang mga plataporma at credentials ng mga tumatakbo sa konseho. At kung sa huli ay mas pipiliin pa rin nila ang pag-abstain, masasabing ang desisyong ito ay sumasalamin sa tunay na kagustuhan ng mag-aaral matapos ang ginawa niyang pagsusuri. Sa bahagi ng mga partido, hamon ito upang lalong ilapit sa mga mag-aaral ng lahat ng kolehiyo ang kanilang mga binibitbit na kampanya na dapat ay nakaankla naman sa hinaing ng sangkaestudyantehan.

Kabilang sa mga lumutang na katanungan nitong nagdaang USC Miting de Avance ay hinggil sa monopolisasyon ng kapangyarihan sa konseho dahil iisang partido lamang ang may patakbo rito. Mainam na masuri kung bakit sa tinagal ng panahon, sa dami ng nagdaang eleksyon ng konseho, at sa dami ng oportunidad na makapagtaguyod ng panibagong partido na may ibang pulitikal na tunguhin, bakit isang partido na lamang ang tanging nagpapatakbo sa USC sa kasalukuyan? Marahil ito ay dahil sa kanilang kampanya, sa mga nailuwal na lider-estudyante, at sa kanilang paggagap sa nagaganap sa loob at labas ng unibersidad. Ngunit kahit isang partido na lamang ang nananatili, hindi ibig sabihin nito na tatanggapin na lang ng sangkaestudyantehan kung sinumang papatakbuhin nito. Marapat na lagi’t lagi pa rin tasahin kung tunay bang karapat-dapat na maluklok sa posisyon ang mga kandidato mula rito. Kaya naman maiuugnay din sa kawalan ng kalaban na partido ang pagkakaroon ng option na abstain, para makita ang pulso ng sangkaestudyantehan.

Gaya ng nabanggit, isa rin sa mga dahilan ng pagpili ng abstain ang pagtutol na maluklok sa posisyon ang isang kandidato o ang isang political party. Kung sakaling mas maraming bumoto ng abstain sa isang posisyon kaysa sa isang kandidato, mayroong praktika sa UPLB kung saan tinatasa muna ang kandidato sa Council of Student Leaders (CSL). Sa pulong na ito na dinadaluhan ng mga kinatawan ng iba’t ibang organisasyon at mga mag-aaral sa UPLB, nilalatag ang mga dahilan kung bakit ganoon ang naging resulta ng eleksyon at kung ano ang mga batayan ng pagiging karapat-dapat ng kandidato. Isinasagawa ito bago pagdesisyunan kung pauupuin siya sa pwesto. Sa ganitong paraan, hindi basta-bastang mababakante ang isang posisyon sa konseho, lalo’t higit na kinakailangan ngayon ang buong pwersa ng konseho para itaas ang mga panawagan ng mga mag-aaral. Iba ito sa alituntuning sinusunod sa University of the Philippines – Manila (UPM) kung saan hindi na talaga iluluklok ang isang kandidato kapag siya ay nalamangan ng boto ng abstain. Kaya’t habang balido ang pagpili ng abstain, dapat bigyang-diin na ang tunguhin ng halalan ay makapagluklok ng konseho na gagampan sa mandato nito.

Bumoto ka na ba ngayong eleksyon? Kailangan kasi natin ng student representation

Ayon sa 1984 Constitution of the UPLB University Student Council, mandato ng konseho ang pagtitiyak sa demokratikong partisipasyon at representasyon sa anumang policy-making body na direktang nakakaapekto sa mga karapatan at kapakanan ng mag-aaral partikular sa unibersidad. 

Napatunayan na ng kasaysayan na malaki ang gampanin ng sangkaestudyantehan sa pagtataguyod ng batayang karapatan, hindi lamang hinggil sa isyu sa kampus, kundi tumatagos rin ito sa pambansang antas.  Saksi ang lansangan sa tagumpay ng mga estudyante sa pagkundena sa agresyon ng US laban sa Vietnam, paglantad sa “Agent Orange Experiment” sa Makiling, Unang Welga UPLB noong Pebrero 1969, First Quarter Storm noong 1970, Junction at UP Gate Barricade, ROTC P7 Price Hike, at ang Serve the People Brigade noong Hulyo hanggang Agosto 1972. 

Maging sa kasagsagan ng malagim na panahon ng Batas Militar kung saan naipasara ang publikasyon, binuwag ang mga konseho, at ang ilang organisasyon sa pamantasan ay idineklarang ilegal, hindi namatay ang diwa ng aktibismo ng sangkaestudyantehan ng UPLB. Produkto nito ang Council of Student Leaders na napagpulungan noong 1974. Sa pamamagitan ng referendum ng UPLB Administration, naitayo ang UPLB Perspective sa pamamagitan ng militanteng pakikibaka ng CSL. Sa kalaunan, nabuo naman ang UPLB University Student Council noong 1978.

Sa kasalukuyan, malaking bahagi rin ang naging papel ng konseho sa pagbubuo ng Student Agenda and List of General Demands na naglalayong bigyang pansin ang mga isyung pang-edukasyon, kalayaang pang-akademiko, seguridad sa kampus, at mga polisiyang  iniimplementa sa pamantasan. Idagdag pa riyan ang UPLB Safe Haven Resolution  na nagpapahalaga sa kaligtasan ng komunidad ng UP lalo na ngayong higit na dumadalas ang presensya ng pulis at militar sa kampus.

Upang lalong makita ang kahalagahan nito, ipagpalagay nating hindi kailanman naitatag ang konseho. Sa panahon ng hell week noong unang bahagi ng pandemya, sino ang makikiusap sa administrasyon para humingi ng academic leniency? Kapag nagkakaubusan ng units tuwing enlistment period, sino ang magkokonsolida sa bilang ng mga mag-aaral na batayan ng pagbubukas ng panibagong mga section? Kapag lumilikha ng bagong polisiya sa pamantasan, sino ang dapat na magsilbing boses ng sangkaestudyantehan para masigurong hindi tayo ang nadedehado rito? Noong binabansagan nang terorista ang kapwa natin mga mag-aaral, sino ang dapat na kausapin at makatulong ng mga biktima sa paghingi ng tulong mula sa administrasyon? 

Sa ilalim ng pandidikdik ng administrasyong Marcos-Duterte sa mga batayang karapatang pantao ng mamamayan, higit na kinakailangan ang representasyon ng mga estudyante, hindi lamang sa pagbuo ng mga polisiya, kundi pati na rin sa mga pagkilos upang tutulan ang pagpapalubog nito sa ating ekonomiya at sa pasismo ng estado. Malaki ang kontribusyon ng kabataang estudyante sa pagsusulong ng makabansa, siyentipiko, at makamasang lipunan. Kaya’t mahalaga ang pagboto, para man sa isang kandidato o pag-abstain, bilang bahagi ng pulitikal na partisipasyon ng kabataan na makaaambag sa pag-iral ng lipunan. Ika nga sa tinuran ng rebolusyonaryong si Joma Sison, ang kabataan ang pinakamabisang panahon ng militanteng pakikibaka.

Boboto ka ba sa darating na 2025 National Elections?

Tanda nitong nakaraang 2022 National Elections ang malawakang pagkilos ng bulto ng kabataan upang ikampanya ang mga nais nilang kandidato. Ito ay dahil kanilang nagagap at naisapuso ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pinunong tunay na magsisilbi sa mamamayan. Gayundin sana ang kasikhayang ating ipinamamalas sa pakikilahok sa eleksyon ng konseho. Sa esensya nito, pareho namang kinakailangang maghalal ng karapat-dapat sa mga posisyong may mabigat na tungkuling gagampanin sa pag-iral ng ating pamantasan at lipunan. Ang mga panawagang umuusbong sa loob ng pamantasan ay bunga ng mga kondisyong inanak ng mga problema sa pamamalakad at sa sistema sa pambansang antas. Kung tutuusin, kaya naman nalulunod sa outputs ang mga mag-aaral at nakukulangan ng oras sa pakikilahok sa konseho ay dahil sa porma ng edukasyong hindi nakaankla sa pagkatuto. Kaya naman kinakailangan ng tunay na kinatawan ng sangkaestudyantehan na mag-aangat ng hinaing laban sa redtagging at militarisasyon sa pamantasan ay dahil may gobyernong nangunguna pa sa pagpapahamak na ito.

Kaya naman labas pa sa nagaganap na USC-CSC Elections, patagusin ang paglahok sa darating na 2025 National Elections. Sa panahon kung kailan muling naluklok ang isa na namang Marcos, ginusto man natin o hindi, higit nating kinakailangang maghalal ng mga kandidatong magrerepresenta sa masang Pilipino. Hindi mga trapo, mga astang celebrity, at mga negosyanteng binabaluktot pa ang batas para sa sariling interes – kundi mga tunay at makamasang representante ng sambayanan. 

Marapat ding bigyang-diin na hindi lamang sa eleksyon natatapos ang gampanin ng kabataan sa lipunan. Bukod sa paghalal ng mamumuno, hamon sa ating lahat na maging mag-aaral ng lipunang natututo sa buhay na danas ng masang Pilipino. Sa pag-aaral na ito natin mapagtatanto ang landas na ating tatahakin bilang bulto ng sambayanan para sa tipo ng bayang ating aanihin. [P]

Leave a comment