Kinakalawang na kinang ng ginintuang pamantasan

Mga salita ni Vee Mendoza

UP, ano bang meron ka?

Sa kasalukuyan, prestihiyoso ang pagtingin sa pagtungtong sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) bunga ng samu’t-saring pagkilala at mga parangal dito, na ‘di maikakaila na siyang patuloy na umaakit sa malaking bahagdan ng kabataan upang dito igugol ang kanilang panahon sa kolehiyo. Patunay dito ang napakalaking bilang ng mga estudyanteng aplikante sa tuwing sasapit ang UP College Admission Test (UPCAT), ang taunang pagsusulit na isinasagawa upang salain ang libo-libong mag-aaral na naghahangad na makapasok sa unibersidad na ika nga’y “paaralang hirang” para sa dekalidad na edukasyon.

Sa muling pagbubukas ng pamantasan para sa mga susunod nitong isko’t iska, sariwain natin ang katayuan ng UP sa nagbabagong mukha ng politika at lipunan ng bansa, at hamunin ang mga dahilan kung bakit ito ang Unibersidad ng Pilipinas.

Pagsilang ng pamantasan

Kinikilala ang Unibersidad ng Pilipinas bilang pambansang institusyon ng mataas na pagkatuto, sa atas din ng Batas Republika blg. 9500. Inaasahan na ang pampubliko, sekular, at pambansang pamantasang ito ang siyang magiging sandigan ng paghubog sa mga iskolar ng bayan upang maging susunod na lider at pwersa ng iba’t ibang sektor tungo sa kapakinabangan ng lipunan. 

Naitatag ang pamantasan taong 1908, panahon kung kailan sumailalim ang bansa sa kolonyalistang Estados Unidos. Ngunit bago pa ang pagdating ng pwersang kolonyal, ang porma ng edukasyon ay mauugat mula sa bawat tahanan, sa pagtuturo ng mga magulang sa kanilang mga anak ng mga pangunahing kaalaman hanggang sa mga “tribal tutors” na siyang inatasang maging guro ng mga kabataan ng mga bokasyonal na kaalaman. Bagamat hindi pormal ang edukasyon na nakilala ng mga sinaunang Pilipino, makikita na konektado na ito sa paraan nila ng pamumuhay.

Sa pagpasok ng rehimeng Espanyol, kung saan ang bansa ay nasakop nang humigit kumulang tatlong daang taon, ang sistema ng edukasyon ay naka-angkla sa kanilang pangunahing pakay sa bansa, ang pagpapalaganap ng Kristiyanismo. Sa tabing nito, lumaganap at mas umigting ang pyudal na kultura na siyang ginamit ng mga Espanyol upang lubusang saklubin ang bansa. Sa tipo ng edukasyon at pamamahala nila, napanatili nilang atrasado at bansot ang kaisipan ng mga Pilipino. Ang edukasyong dating kabalikat ng mga Pilipino sa pamumuhay, ngayo’y naging instrumento ng mga dayuhan upang pagsilbihan ang kanilang sariling interes.

Naging marka ng pagbabagong-anyo ng sistema ng edukasyon ang pagdating ng mga Amerikano sa bansa. Isa ang sistema ng pormal na edukasyon sa mga itinuturing na pamana umano ng mga Amerikano sa bansa dahil ayon sa kanilang pananaw, ang bansa ay nangangailangan ng pandaigdigang paglago dahil sa iliteradong pagtingin sa karamihan ng mga Pilipino. Mula sa mga sundalong nagtuturo ng mga piling literatura sa mga pinakaunang paaralan na kanilang binuksan, hanggang sa mga gurong nagtuturo ng Ingles sa mga pang-akademikong institusyon. Bilang resulta, naitatag ang kanluraning sistema sa edukasyon na siya ring naging akademikong pamantayan sa bansa, manipestasyon ng kanilang makapangyarihang pwersa-kolonyal.

Kabilang nga rito ang pagkakatatag sa Unibersidad ng Pilipinas. Ang unibersidad ay pinamunuan ng mga Amerikano mula sa presidente ng pamantasan hanggang sa mga gurong nagtuturo rito. Pitong taon pa ang lumipas nang magsimula itong pamunuan ng isang Pilipino, sa katauhan ni Ignacio Villamor.

Subalit kung tatasahin, hindi lamang ang Unibersidad ng Pilipinas ang institusyong dalubhasaang naitatag sa panahon ng pananakop ng Estados Unidos. Sa katunayan, may mga higit nang naunang mga paaralan dito, subalit bakit ito ang naging katangi-tangi at primyerong pamantasan sa paningin at isipan ng libo-libong mga mag-aaral na nagnanais makapasok dito? 

Palamuti sa pangalan ng pamantasan

“World Rankings” – sa tuwing ito ang magiging paksa ng usapan, ang Unibersidad ng Pilipinas ang siyang unang papasok sa isipan ng karamihan sa atin. Ito ay sa kadahilanang ang dalubhasaan ang siyang nangunguna sa lahat ng mga akademikong institusyon sa bansa pagdating sa world rankings (Times Higher Education, QS Rankings) at maging sa iba’t-ibang pandaigdigang pagkilala. Higit pa itong pinatutunayan ng malaking bilang ng mag-aaral na nangunguna sa licensure examinations ng iba’t-ibang propesyon, at ng mga palamuting patuloy na nagbibigay-kinang sa pamantasan.

Ilan pa sa mga dekorasyong ginagamit ay ang pagiging kasapi nito sa samu’t-saring mga alyansang kumikilala sa husay at kredibilidad ng mga pang-akademikong institusyon sa buong mundo. Ilan sa mga ito ay ang  Association of Pacific Rim Universities, ASEAN-European University Network at sa ASEAN University Network. Bagaman mga bansang Asyano ang nagsisilbing mga kasapi ay nananatiling alinsunod sa makakanluraning pamantayan ang basehan ng kanilang pagpili sa mga pamantasang kanilang kinikilala.

Nagagamit din ng pamantasan ang pagsilang nito sa maraming mga tanyag na pangalan at personalidad sa iba’t-ibang larangan sa bansa. Kabilang dito ang karamihan sa mga kinilalang mga national scientists sa larangan ng agham at akademya, mga pambansang alagad ng sining o mga national artists sa larangan ng sining, musika, at literatura, at maging mga personalidad sa pamamahayag at maging sa mundo ng pulitika.

Higit sa lahat, hindi rin kataka-taka ang mga oportunidad na naghihintay sa mga magsisipagtapos sa unibersidad sa iba’t-ibang larangan at propesyon sa loob at labas ng bansa. Ang mga UP graduates ay kabilang sa prayoridad ng malaking bahagdan ng mga korporasyon gayundin ng iba pang mga negosyante sa pagpili na kanilang magiging mga empleyado at trabahador.

Ang pamantasan at ang huwad nitong ningning

Ika nga nila, “not all that glitters are gold”. Katulad ng kasabihan, nagkukubli sa pagkinang ng pamantasan ang malamlam na katotohanang dapat nating malaman. Pagkatapos ay subukan muli nating itanong sa ating mga sarili, bakit nga ba ganoon natin sinisinta itong pamantasan?

Sa kadahilanang ang dalubhasaan ay naitayo upang lumikha ng mga propesyonal na magsisilbi para sa interes ng imperyalistang Amerikano, nagbunga’t nag-impluwensya ito sa kolonyal na mentalidad. Patuloy na nabubuhay itong impluwensya at patuloy na nananalaytay sa uri ng sistema, kalidad at kwalipikasyon ng pamantasan.

Magpahanggang sa kasalukuyan, ang mga bakas ng imperyalismo ng Estados Unidos ay siyang namamayani at humuhubog sa ating mga kaisipan na tingalain ang buhay na maaaring matamasa paglabas ng Pilipinas. Kabilang rito ang pagsilang sa kultura ng American Dream, ang paniniwala na ang migrasyon sa ibang bansa, lalo na sa Amerika, ang magwawaksi sa kahirapan at magbibigay ng oportunidad para sa mga nasa global south. Sa pagkikintal sa atin ng ganitong mga kaisipan, patuloy na pumapailanlang ang pagtingin sa pamantasan, sa sobrang taas ay tila ba hindi na ito maabot ng mga dapat nitong hinuhubog, ang mga mag-aaral at ang masa.

Ang mga pagkilala’t parangal sa unibersidad ang siyang nagsilbing pangunahing salik na naghatid dito sa kung saang antas ito kasalukuyang naroroon, ito ang bumubuo sa maaliwalas na mukha ng paaralang umaakit sa mga pangarap ng libo-libong kabataan mula noon hanggang ngayon. 

Sa ating paglantad sa tagong panig ng makulay na mukha ng pamantasan, ating makikita ang maputlang katotohanang dapat nating malaman at patuloy na ipaalam. 

Nasusuri sa panahon ngayon na ang edukasyon ay nananatiling komersyalisado. Ito ang siyang humadlang at patuloy na humahadlang sa paglago ng mga institusyong dapat sana ay kapantay ng ibang mga pamantasan sa kalidad ng pagkatuto at kasabay nito sa pagyabong. Sa ilalim ng isang komersyalisadong edukasyon, ang tanging tunguhin ng pag-aaral ay lumikha ng lakas-paggawa na ituturing na kalakal para sa mga dayuhang bansa. Hindi pangunahing tinutugunan ang pagpapaunlad ng edukasyon dahil mas mahalaga rito ang tubo at kapital.

Ito ang nagtutulak sa hindi pantay na pagtingin at pagbibigay diin ng gobyerno ng ating bansa sa sektor ng edukasyon. Mababakas ito sa higit na pagbibigay pansin ng pamahalaan sa Unibersidad sa pamamagitan ng mas madalas nitong mainstream exposure tuwing mapapabilang o mauugnay ang pangalan ng pamantasan sa mga pandaigdigang pagkilala, na siya rin namang ginagawa ng ibang mga institusyon ngunit ipinagdadamot sa kanila ang pokus ng lente. Ngunit sa kabilang banda, makikita na tanging exposure lamang ang ibinibigay ng pamahalaan sa mga unibersidad na nakikilala sa daigdig, ngunit hindi suporta. Suporta na mas lalo pang magpapaunlad sa kakayahan ng mga institusyon na hubugin ang mga estudyante nito. 

Sa isang ulat mula United Nations, ang batayang bahagdan na dapat nakukuha ng sektor ng edukasyon mula sa Gross Domestic Product (GDP) ng isang bansa ay mula 4% hanggang 6%. Ngunit sa Pilipinas, 3.4% lamang ang kabuuang nabibigay para sa edukasyon. Dito mahihinuha na hindi prayoridad ng gobyerno ang pagsulong ng edukasyon ng mga mamamayan nito. Papalakpakan nito ang mga estudyante at pamantasang makikilala ng mga banyagang bansa, ngunit hihimpilan pa rin ang kanilang paglago.

Kasabay ng pagiging komersyalisado, kolonyal din ang tipo ng edukasyon sa bansa, at nasasalamin din ito maging sa UP. Kabilang rin sa mga manipestasyon nito ay ang pag-angkla ng curriculum at pangkalahatang sistema ng edukasyon sa pandaigdigang pamantayan o global standards. Ibig sabihin, higit sa paglinang sa kultura at kasaysayan ng bansa, ang mga mag-aaral ay mas sinasanay upang maging mga global assets at siyang maging mga pangunahing pwersa at instrumento sa pakikipagsabayan sa ibang bansa sa usaping pangkaunlaran. Tulad na lamang sa batayan ng administrasyon sa paglalatag ng pang-akademikong kalendaryo, at ang pag-angkop ng K-12 program na parehong naka-angkla sa sistema ng Estados Unidos na siyang laganap sa malaking bilang ng mga bansa sa buong mundo. Mahihinuha mula rito ang pagkiling ng sistema ng ating edukasyon sa direksyong pa-kanluran.

Ni hindi natugunan ng K-12 ang krisis sa edukasyon noon pa mang termino ni Benigno Aquino III, tanging dagdag sa bayarin ang dalawag dagdag na taon na kalakip ng pagpapatupad nito. Naging kanluranin din ang bagong kurikulum ng edukasyon, binawasan ang oras ng pag-aaral ng Araling Panlipunan at mga katulad nitong aralin, at nagpapatuloy ang manipestasyon nito hanggang ngayon—sa lumalalang krisis sa edukasyon. Sa paglipat ng academic calendar upang masalamin ang sa mga banyagang bansa, lalo lamang nahirapan ang mga estudyante at guro sapagkat hindi naaayon sa klima ng bansa ang panahong ito. 

Kung tutuusin, maari naman tayong mag-aral sa ibang mga pamantasan at akademikong institusyon sa bansa na bukas-kamay tayong tatanggapin subalit dahil hindi makatarungan ang pagbibigay ng pondo sa mga unibersidad, hindi sila nagkakaroon ng pagkakataong mapaunlad ang kalidad ng edukasyong maaalok nila. Sa madaling sabi, limitado ang maibibigay na serbisyo ng karamihan sa mga State Universities and Colleges (SUCs) at Local Universities and Colleges (LUCs), kung kaya tila nagiging paligsahan ang pagpasok sa mga unibersidad na kayang maglaan ng mas malalaking oportunidad.

Ang dapat sana’y dalubhasaan na bukas sa lahat ng mga mag-aaral na nagnanais at nangangarap makapasok dito ay patuloy na lumalayo sa kamay ng mga mag-aaral ng masang  Pilipino. Kung mandato ng UP na humubog ng mga iskolar ng bayan at bigyan sila ng dekalidad na edukasyon, bakit pili at iilan lamang ang nakapapasok dito?

Malaking balakid pa rin ang estado sa buhay ng mga mag-aaral na nais pumasok sa UP. Sa katunayan, malaking bahagdan ng mga nakapapasa sa taunang UPCAT ay mga nakaaangat sa buhay at kayang makapasok sa mga review center na siyang malaking tulong upang maipasa ang naturang pagsusulit. Makikita mula sa UPCAT at napakarami pang ibang entrance exams ang kakulangan ng budget sa mga pamantasan kaya sinasala nila ang mga makapapasok dito dahil iilan lamang ang kaya nilang suportahan. Ngunit kung tunay na libre at malaya ang edukasyon, hindi na kailangan ng ganitong mga pagsusulit dahil lahat ay may kakayahang makatamasa ng dekalidad na edukasyon. Sa ideyal na lipunan, hindi matatakdaan ng kahit anong papel o marka sa isang pagsusulit ang karapatang makapag-aral ng isang estudyante, dahil agaran at tiyak niya itong matatamasa.

Higit sa lahat, maging ang pamantasan ay mayroong mga isyung kinahaharap rin—mga isyung anti-estudyante na magpahanggang ngayon ay nangangailangan pa rin ng pagtugon. Matunog dito ang kakulangan ng units para sa mga estudyante, kung kaya nagiging paligsahan din mismo ang pag-aaral sa loob ng unibersidad. Partikular sa UPLB, malaki at matagal nang suliranin ang sinasapit ng mga estudyante nito tuwing registration period.

Masasalamin din sa UP ang pagiging pasista ng sistema ng edukasyon, maging ang mga estudyante nito ay hindi ligtas sa pasismo ng kanilang mga demokratikong karapatan. Pagpasok ng taong 2021, nabahala ang sangkaestudyantehan sa abrogation ng UP-DND Accord dahil sa dala nitong posibilidad ng paghimpil sa kalayaang pang-akademiko at batayang karapatan ng mga nasa loob ng pamantasan. Banta rin sa kalayaang pang-akademiko at kalayaan sa pagpapahayag ng mga estudyante ang niraratsada ngayong resolusyon ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) kung saan hahayaan ang mga militar na makapasok sa mga pamantasan upang magsagawa ng national security awareness sessions. Ikinababahala ito ng sangkaestudyantehan dahil maaari itong maging daluyan ng red-tagging na siyang hihimpil sa mga kalayaan ng estudyante. Ilang mga kabataan na ang humarap sa kaharasan at intimidasyon dahil sa panganib na dulot ng pan-re-redtag sa kanila. llang iskolar na ng bayan ang natiktikan at nakatanggap ng mga banta sa buhay dahil sa kanilang mga politikal na paninindigan.

Pinipili nating makipagsapalarang makapasok sa pamantasang ito dahil sa kinang at pangako nitong daan tungo sa pagkamit ng ating mga mithiin. Ngunit narito ang mga katulad nitong pang-akademikong institusyon at paaralan na kaya rin namang magsilbing tahana’t daan kung bibigyan lamang ng sapat na atensyon, pondo, at pagsisikap na linangin nang sa gayon ay hindi lamang iilan sa atin ang magkakaroon ng pag-asa at kakayahang mangarap at makamit ang mga ito. 

Mababaw lamang na daan tungo sa magandang kinabukasan ang pagpasok sa Unibersidad ng Pilipinas kung mananatili at lalong lalala ang tagilid at palubog nang sistema ng edukasyon sa bansa.

Ang lipunang sinasalamin ng pamantasan

Sa kabila ng pagkabatid natin sa mga maaari nating maging karanasan sa loob ng pamantasan, mula sa mga saling-bibig ng ating mga kaibigan, kakilala, o kamag-anak na kasalukuyan o minsan nang namalagi rito, at maging sa kabila ng lantarang neoliberalismong namamalagi rito, bakit nga kaya mas pinipili pa rin ng karamihan sa atin na paliparin dito ang ating mga pangarap? 

Hindi lamang ang mga nabanggit na parangal at reputasyon ng Unibersidad ng Pilipinas ang nagsisilbing dahilan kung bakit marami pa rin ang pinipiling maging iskolar ng bayan. Sa usapang lipunan, isa ang unibersidad sa mga masikhay na nagsusulong ng pag-aaral sa mga isyung panlipunan at pagtugon sa mga ito, at isa sa mga manipestasyon nito ay ang presensya ng aktibismo sa mga mag-aaral ng pamantasan. 

Sa kabila ng mga public figures na tumaliwas sa layunin at ipinaglalaban ng mag-aaral ng pamantasan, patuloy pa ring mas nananaig at nangingibabaw sa mga mag-aaral ng pamantasang ito ang diwa ng pakikibaka laban sa tunay na mga salot ng lipunan. Malaking halimbawa nito ang mga desaparecidos na sina Leticia Pascual-Ladlad, Cristina Catalla, at Rodelo Manao, maging ang mga kasalukuyang lider-estudyante tulad nina Jpeg Garcia at Kenneth Rementilla, na kamakailan lamang ay naging biktima ng pasistang Anti-Terror Act, patunay na hindi kinikilala ng pamahalaan ang panawagan ng mga kabataan bagkus ay tinuturing pang iligal. Patunay sila na ang unibersidad ay nananatiling humuhubog at nagmumulat sa mga pag-asa ng bayan sa mga tunay na isyung panlipunang dapat ipaglaban.

Hayag sa pagpuna sa mga di-makataong polisiya at ‘di makatarungang sistema ng pamamahala sa bansa ang sangkaestudyantehan, kasangga na rin ang mga kaguruan, at iba’t ibang sektor ng lipunan.  Marami rin sa mag-aaral ng unibersidad ang mulat at may kamalayan sa mga nagaganap sa lipunan; ang mga karahasan at baluktot na pamamahala ng gobyerno, walang habas na panggigipit sa mga aktibista at mga progresibong grupo, pambubusal sa malayang pamamahayag, at ang kawalan ng katarungan sa sektor ng mga magsasaka at manggagawa na kung ating iisa-isahin ay mistulang isang listahang walang katapusan. Mababanaag mula rito ang kanilang katapangan at kawalan ng takot sa pagpapahayag ng kanilang mga saloobin hinggil sa mga isyu; sa pagpoprotesta at sa pagiging mga boses ng sangkaestudyantehan na sumisigaw para sa katarungan at tunay na reporma.

Tunay ngang kolonyalisado ang pinagmulan ng Unibersidad at kahit maging hanggang ngayon ay patuloy pa ring nagsisilbsi sa dayuhan ang pamantasan. Kahit na ang paggawa ng kurikulum at ang tunguhin pa rin ay makasabay sa mga banyagang bansa, umusbong pa rin ang mga iskolar ng bayan na hinamon ang status quo at ginamit ang kanilang talino para ganap na paglingkuran ang sambayanang Pilipino. 

Taliwas sa pagtatatak sa mga estudyante ng UP na puro protesta lamang ang alam, sa likod nito ay ang walang humpay na pag-aaral at pagsusumikhay sa pag-intindi sa lagay ng lipunan. Hindi lamang sila nakukulong sa pamantasan sapagkat lumulubog din sila sa mga sektor labas pa sa mga kabataan. 

Palagi’t palagi ring umuusbong ang mga kabataan mula UP na nangangahas na lumabas sa apat na sulok ng pamantasan, tumungo sa lansangan, sa mga bukirin, at pagawaan, dahil naroon ang hamon ng panahon—doon sila tinatawag ng bayan.

Ang lipunan sa labas ng pamantasan

Sa pagtuklas natin sa ‘di mabilang na mga bakit kaugnay ng Unibersidad ng Pilipinas, atin ngayong tanungin ang ating mga sarili, sapat na ba ang mga kasagutang ito upang mapangatwiranan kung bakit nariyan pa rin ang mga bagong iskolar ng bayan?

Bakit hindi natin mas diinang ipagpatuloy ang pakikipaglabang matagal nang sinimulan ng kapwa nating mga mag-aaral, na lumabas at patuloy paingayin ang panawagan sa tunay at lehitimong pagbabago sa sistema ng edukasyon, sa pamamahala ng ating bansa, sa katarungan, sa tunay na pag-unlad? 

Bakit hindi natin ihain ang ating mga sarili na makibaka sa tunay na pagbabagong panlipunan na siya ring magbabago sa sistema ng ating pamantasan?

Patunayan natin at ipaunawa ang tunay na kahulugan ng pagiging intelektwal. Iwaksi ang naunang tunguhin ng UP na pagsilbihan ang kolonyang Amerikano, makibaka para sa makabayan, siyentipiko at makamasang edukasyon na tutunggali sa kasalukuyang krisis kinahaharap ngayon.

Mula man sa UP o hindi, hamon sa bawat kabataang estudyante na hindi magpadala sa kinang na pangako ng isang institusyon dahil nananatili pa ring bulok ang sistema ng edukasyon, nanatili pa rin ang tunguhin nitong magsilbi sa imperyalistang interes. Hamon sa mga estudyante ng kasalukuyan na mangahas mag-aral at makibaka para sa hinahangad na kinabukasang malaya sa pananamantala.

UP, ano bang meron ka?

Ang kasaysayan ng UP ay kasaysayang markado ng dugo at pawis ng mga naunang kabataang estudyante, mula Diliman Commune hanggang sa patuloy na pakikibaka ng mga iskolar ng bayan. Hindi lamang nasa institusyon ang dangal at husay na ipinagmamalaki ng bawat propesyonal na lalabas mula rito, hindi lamang sa kurikulum, at hindi lamang sa mga pagkilalang natatanggap nito. Ang dangal at husay ay nasa pagpapasya ng bawat estudyante na tugunan at harapin ang hamon ng panahon.

Palaging isapuso at isaisip ang tunay na dahilan kung bakit nakipaglaban ka para makapasok sa dalubhasaang ito, ang umalpas dito at tugunan ang mga hamon na nasa labas ng apat na sulok nito. Iskolar ng bayan, maglingkod lagi’t lagi, para sa bayan! [P]

Leave a comment