Registration Error: PREROG OVERLOAD!

Mga salita nina Vee Mendoza at Enrique Salegumba

Ilang units pa ba ang hahabulin, pa-prerog po~

“Ma’am! Ser! Pa-prerog po,” sigaw ng mga estudyanteng halos hindi na maunawaan ang sinasabi dahil sa dami ng boses na umaalingawngaw sa kabuuan ng corridors ng PhySci building. Ang ilan nama’y nakatayo at umiindak sa himig ng awitin ni Ariana Grande kasabay ng iba sa kabilang kwarto na umaawit naman ng hits ni Taylor Swift. Ilan lamang ito sa napakaraming mukha ng unang araw na tinatahak ng karamihan sa mga kapwa ko mag-aaral. Marahil ay nagtataka ka kung bakit ganito na lamang ang tipikal na tanawin sa pamantasan sa tuwing sasapit ang unang araw ng pasukan. Halina, mukhang may oras pa naman bago magsimula ang aking klase, pag-chikahan muna natin ang eksenang ito.

Prerog season na naman

Sa University of the Philippines Los Baños (UPLB), naging ordinaryong mukha na ng unang araw ng pasukan ang mga estudyanteng nagbakasakaling sila ay matatanggap sa mga klaseng bigo nilang ma-enlist.  Ito ay sa pamamagitan ng teacher’s prerogative. Sa madaling sabi, ito ay pakikiusap sa faculty-in-charge na tanggapin sila kahit puno na ang slots na nakalaan para sa isang klase. Dito ka makakakita ng pagkahaba-habang mga pila sa mga in-demand na mga kurso, lalo na sa mga Human Kinetics (HK) courses sa Copeland. Kung pagtutuunan mo ng pansin, mababakas sa mga pila at pagmamakaawa ang katotohanang may hindi tama sa sistema ng edukasyon sa sintang pamantasan, hindi ba?

Sa simpleng prerog pa lamang ay mababakas na ang imahe ng sistema ng ating edukasyon. Isipin mo, kung babalikan ang iyong mga pinagdaanan sa simula ng iyong paglalakbay sa pamantasang ito ay samu’t saring pagsubok na ang iyong kinaharap. Sa mundo ng mga dapat, hindi ito sana pinagdaraanan at pinagtitiisan ng mga estudyante. Subalit tignan mo nga naman, hindi pala rito matatapos ang mga pagsubok. Dahil ultimo sa mga units na dapat mong makuha, kailangan mo pa rin makipagsapalaran. Ganito kalala ang sistema na kay tagal nang nagsisilbing sentro ng diskusyon at kontrobersya sa mga estudyante at faculty

Sa kabilang banda, pag-usapan naman natin ang sistema sa data management system ng unibersidad. Sino ba naman ang makakalimot sa mga naging eksena noong unang inilabas at inihayag ang SAIS bilang pinakabagong data management system sa taong panuruan 2016-2017? Sa una pa lang ay nag-glitch na ang sistemang ito sanhi ng pagka-delay at pagkabigo ng karamihan na makapag-secure ng slots sa kani-kanilang mga courses na nagpatuloy sa mga kasunod na taon ng paggamit nito. 

BASAHIN:https://uplbperspective.wordpress.com/2023/09/12/amis-and-its-eeny-meeny-miney-moe-education-system/

Bilang isang tanda na naman ng panibagong suliranin sa sektor ng edukasyon partikular na sa unibersidad, muli na namang nagsiyasat at nag-isip ng panibagong “solusyon” ang mga nasa itaas kung papaanong aktwal na maaabot ang orihinal at inisyal na layunin ng SAIS. ang mapadali ang registration process tuwing enrollment period. Ito ay sa pamamagitan ng pagbuo ng panibagong magiging data management system. Mukhang maganda diba? Isipin mo sa wakas matatapos na ang stress at ilang taong paulit-ulit at nakakasawang eksena at mukha ng registration process! 

At dito na pumasok si AMIS, ang siyang naging panibagong plataporma kung saan ngayon isinasagawa ang registration ng mga courses – tampok ang ilang features na hindi nga naman maitatangging mas nagpadali sa paggamit nito kumpara sa SAIS. 

Subalit katulad ng SAIS, hindi ito sapat para lutasin ang kakulangan sa slots dahil anumang anyo ng academic information system ang mailaan ng administrasyon, patuloy na mag-aagawan ng mga units ang mga estudyante kung kulang ang mga pasilidad at lakas-tao ng pamantasan. 

Napapagtanto mo na ba sa puntong ito? 

Sa pagkarami-rami nang pagtatangka, nakamtan na man lang ba natin ang tunay na edukasyong walang pinipili? Edukasyong hindi nagpapahirap, hindi pumapaslang ng mga pangarap? Edukasyong tunay na ‘para sa masa’?

Hindi ganap na mabibigyang-solusyon ang isang suliraning hindi naman tunay na inuugat kung saan nagmula. 

Mananatiling atrasado ang sistema ng edukasyon kung patuloy itong magiging komersyalisado, kolonyal, at represibo. Hanggang mayroong estudyanteng nahihirapan magbayad ng matrikula, umiiyak tuwing registration period, pinagtitiisan ang mahaba at mainit na pila papuntang prerog, hindi makakamtan ng edukasyon ang tunguhin nitong maging mapagpalaya. 

Malayo na, pero malayo pa

Sa pagsapit ng unang araw ng UPLB February Fair (Feb Fair), muli nating balikan at alalahanin ang dapat na maging sentro at kabuluhan ng ating pagdiriwang. Ang FebFair ay isang protesta at panawagan para sa makabansa, siyentipiko, at makamasang tipo ng edukasyon. Sa pagkatagal-tagal ng panahong nagdaan sa paglalaban natin, ito ay dapat nang mabigyan ng aksyon.

Bilang tagapagmana ng lipunan, kailangang dalhin ng kabataan ang panawagan ng mas malawak na hanay ng masa. Nakahabi sa isa’t isa ang mga kampanya ng sambayanang Pilipino, at kolektibo itong itinatampok ng taunang Feb Fair. 

Nagsimula ang protest fair noong taong 1972 laban sa diktadurang Marcos. Ang FebFair ay nananatiling plataporma para masuhayan ang mga panawagan ukol sa mga pagsubok na hinaharap ng bawat sektor sa Timog Katagalugan at sama-samang buwagin at labanan ang rehimeng US-Marcos II.

Oh, halika na, halika na at magsisimula na ulit ang klase, magsisimula na muli ang panibagong pagdaluyong ng pakikibaka. [P]

One thought on “Registration Error: PREROG OVERLOAD!

Leave a comment