Talim ng Dyaryo ang Lalansag sa Panlilinlang ng Estado

Talim ng Dyaryo ang Lalansag sa Panlilinlang ng Estado

Sa Pambansang Araw ng Kalayaan sa Pamamahayag ay ating bibigyang-diin ang patuloy at laganap na panunupil na hinaharap ng mga mamamahayag. Mula sa red-tagging, death threats, pag-abuso sa Anti-Terror Act of 2020, attempted murder, hanggang sa pinakarurok ng pasismo na mismong pagpatay. Walang-sawa ang pang-aalipusta ng gobyerno kasama ang kanilang mga prominenteng berdugo na nagngangalang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), Armed Forces of the Philippines (AFP), at Philippine National Police (PNP). Higit pa rito ay ang harap-harapang panlalapastangan ng mga armadong opisyales na ito, katulad na lamang ng mga sinapit nina Frenchie Mae Cumpio na mahigit tatlong taon nang nakapiit sa kulungan hanggang sa kamakailan lamang na inihatol na reklamo ng QCPD laban sa mga 14 lider-aktibista mula sa Timog Katagalugan at kabilang na rito si Kenneth Rementilla na dating Orgwatch Editor ng UPLB Perspective at ngayo’y Anakbayan ST Spokesperson. 

Kaya nama’y higit na dapat paigtingin ang laban para sa pagsulong ng malayang pamamahayag lalo na sa kasagsagan ng patuloy na pag-atake sa progresibong pagbabalita. Mula sa loob ng pamantasan hanggang sa pambansang antas, tangan ng mga pahayagan ang responsibilidad sa masa na isiwalat ang katotohanan ng mga isyu at kaganapan sa komunidad. Ngunit sa ilalim ng mga nagdaang administrasyon hanggang sa kasalukuyang termino ng tambalang Marcos-Duterte, hindi nawawala ang mga sumisiil sa mga pahayagang nagsasalin sa pahina ng kanilang mga pananamantala sa sambayanang Pilipino.

Noon pa man ay tiyak na malaki na ang gampanin ng mga mamamahayag ng pamantasan sa pagkamit ng kalayaan para sa bayan. Mula sa tagumpay ng mosquito press (tulad na lamang ng We Forum at Ang Pahayagang Malaya) sa pakikibaka upang buwagin ang diktadurang Marcos noong 1972 hanggang sa pagtaguyod ng katotohanan kontra sa laganap na disimpormasyon, kasakiman, at pandudusta sa mamamayan na pilit na pinagtatakpan o pinalalagpas ng kasalukuyang gobyerno— ang mas malala, sila-sila lang din mismo ang may pakana ng sapilitang pagpapatahimik sa mga masigasig na tagapagtanggol ng taumbayan. Kung magbabalik-tanaw sa unang linggo ng Batas Militar, dito ay naglabas agad si Marcos ng Letter of Instruction No. 1 na isinasaad ang pagbibigay-kapangyarihan sa militar na kontrolin ang mga malalaking media outlets sa buong bansa, at ito’y isa sa mga kauna-unahang ebidensya ng pagsasawalang-bahala ng yumaong diktador sa karapatang pantao. Sa halip na sumunod sa patakaran, malinaw sa mga mamamahayag na isa itong pagmamaltrato at simula ng pagpapatahimik sa iba’t ibang pahayagan, kaya nama’y kabi-kabila ang diskarte ng mga ito sa paglalahad (katulad na lamang ng paggamit ng wikang bernakyular) at maingat na pagpapalaganap ng iba’t ibang impormasyon ukol sa paniniil sa ilalim ng kalakaran ni Marcos Sr. 

At bagama’t marami na rin ang nagbago sa paglipas ng panahon, ang tunay na kalayaan sa pamamahayag ay pahirapan pa ring makamit. Kung noon ay nakita ang pagsupil sa mga lathalain nang ipasara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang mga pahayagan noong panahon ng Batas Militar, ngayon naman ay napakarami pa ring kaso ng redtagging at pagpatay sa mga mamamahayag na parte ng alternatibong midya. Bagkus, kailanman ay hindi pa rin natatapos ang laban tungo sa malayang pagbabalita; ito ay isang bagay na patuloy na pinapasan hanggang sa kasalukuyan. 

Kabilang sa pagtapak sa kalayaan sa pamamahayag ang paggamit ng estado sa mapanlinlang na midya na Sonshine Media Network International (SMNI) para supilin ang mga mamamahayag at man-redtag ng mga pahayagan. Lantaran ang pag-atake ng may-ari ng SMNI na si Apollo Quiboloy sa mga mamamahayag tulad ni Maria Ressa. Nagpalaganap din ito ng maling impormasyon hinggil sa pagtanggal ng prangkisa ng ABS-CBN at binigyan pa ng dagdag na plataporma ang mga nagpapasara sa nasabing network na siyang daluyan ng balita sa maraming mamamayan sa bansa. Pinalalabnaw tuloy nito ang konsepto ng malayang pamamahayag dahil ang bulto ng ineere ng SMNI ay nakatuon lamang sa pagpapabango ng mga baluktot na adbokasiya ng namumunong administrasyon. Isinasawalang bahala nito ang mga batayang prinsipyo ng responsable at malayang pamamahayag na dapat ay mapagpalaya para sa interes ng masa. Sa ngayon, isa itong malaking banta sa malayang pagbabalita na maaaring gawing tulay para sa tuluyang pagkitil ng progresibong pamamahayag. 

Dagdag din sa bigat ng kasalanan sa pahayagan at sa masa ng mga pwersa ng estado ang mga kaso ng pamamaslang, pagkulong, at pagdakip sa mga mamamahayag. Biktima nito sina Leticia Ladlad at Christina Catalla, mga desaparecido na mamamahayag-estudyante ng Aggie Green and Gold, pahayagan ng University of the Philippines College of Agriculture (UPCA) nan ngayon ay UPLB. Sa kasalukuyan, kabilang sina Alexa Pacalda at Frenchie Mae Cumpio sa mga mamamahayag at tagapagtanggol ng karapatang pantao na nakakulong dahil sa mga gawa-gawang kaso.

Kaya ngayong araw, dala rin natin ang tawag na mas makita ng lipunan ang kahalagahan at gampanin ng mga tagapagbalita na inaalay ang kanilang mga sarili para sa patuloy na pagpapalawak ng espasyo para sa malayang pamamahayag. Ito’y hindi lamang dahil bahagi ito ng pagmumulat ng mata ng mga mamamayan, ngunit dahil nakatahi rin ang responsibilidad ng mga pahayagan sa pagbibigay-alam sa masa ng mas malalaking isyu kagaya ng mga pang-aabuso sa karapatang pantao na patuloy na umiigiting sa bansa. Sa katunayan, ang mga progresibo at alternatibong pahayagan ang nagsisilbing mga watchdog na siyang nagsasalita at nagpapaalam sa mga tao ng mga pangyayaring ito na natatamo ng ilang Pilipino. Sa huli, kung wala ang malayang pagbabalita at patuloy lamang na patatahimikin ang midya, hindi malalabanan ang kultura ng impunidad at mas lalala lamang ang takot ng mga tao na magbigay puna sa mga katiwalian sa pamamalakad ng administrasyon. 

Sa kabuuan, hindi tuluyang makakamit ang malayang pamamahayag hangga’t namamayagpag ang administrasyong nagkukubli ng kanilang mga paglabag sa karapatan ng bawat mamamayan. Pero sa kabila ng panunupil at intimidasyon na natatanggap mula sa mga reaksyunaryong pwersa o kaya nama’y sa pakikialam ng namamahalang administrasyon, kailanma’y hindi nagpatinag ang mga mamamahayag sa pananakot o pagbabanta. Hangga’t may inhustisya at may naaapi, patuloy lamang ang kanilang pakikipagsapalaran para sa demokrasya at posisyon sa lipunan. Kaya’t hindi sana makalimutan na kaakibat din ng laban para sa malayang pamamahayag ang panawagan para sa pagkamit ng seguridad sa buhay, pagkain, tirahan, at karapatan ng mga Pilipino.

Sa pagdiriwang ng Pambansang Araw ng Kalayaan sa Pamamahayag sa ilalim ng pamumuno ng anak ng diktador na si Marcos Jr, magpapatuloy at lalo lamang lalakas ang pakikibaka para sa paglaya hindi lamang ng pahayagan, kundi paglaya rin ng taumbayan mula sa mga mapanupil na pwersang nanggagapos sa bayan. Sa araw ng pagbalikwas, paduduguin ang pasistang rehimen sa sanlibong mga taga. Saksi at mananatiling kaisa ang mga peryodista ng bayan sa araw ng paniningil ng masa. [P]

Leave a comment