TINGNAN: Mga kaganapan at pagkilos para sa buwan ng Marso

Mga salita nina Aliah Pine at Federick Biendima

Makulay, matapang, at mapagpalayang mga pagkilos at mga paggunita ang nakahanay para sa buwan ng Marso. Iba’t ibang mga tampok na pagtatanghal, caravan at mobilisasyon ang inaasahang isasagawa ng mga progresibong organisasyon at grupo tangan ang kani-kaniyang panawagan, at ang patuloy sa pagpapaingay sa mga ito sa loob at labas ng Timog Katagalugan.

Pagbabalik ng Isko’t Iska sa pisikal na entablado

Sa muling pagbabalik ng face-to-face na mga klase, muli ring magbabalik ang Isko’t Iska 2022 sa entablado ng D.L. Umali Auditorium, matapos ang dalawang taon ng birtwal na pagtatanghal. Ang Isko’t Iska ay ang taunang dula na mula sa mga artista ng bayan, kung saan ipinatatampok ang mga kasalukuyang isyung kinahaharap ng iba’t ibang sektor ng lipunan.

Lathala mula sa Isko’t Iska / Facebook

Inaanyayahan ang lahat na manood at makiisa sa mga panawagang bitbit ng dula ng bayan, para sa bayan. Sa darating na ika-8 at ika-9 ng Marso (Miyerkules at Huwebes), sa ganap na ika-7 ng gabi ay subaybayan ang ika-45 edisyon ng taunang produksyon na may temang Isko’t Iska 2022 in the Kapokverse of MADness. Ang nasabing pagtatanghal ay bukas at libre sa lahat ng nagnanais makanood.

Pangunahing layunin ng dula na muling gunitain ang madilim at madugong yugtong sinapit ng sambayanan sa ilalim ng diktaduryang Marcos, patuloy na panawagan ng pagtakwil sa kasalukuyan ilehitimong puwersa ng tambalang Marcos-Arroyo-Duterte, at higit na ipagdiwang ang sumusulong at lumalaban na puwersa ng masa upang bakahin ang namamayaning mapang-aping sistema.

Pinapangunahan ang produksiyong ito ng Umalohokan, Inc., UPLB Writers’ Club, at UPLB University Student Council. 

Pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan

Mga lathala mula sa Gabriela Youth – UPLB / Facebook

Sa nalalapit na pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan sa ika-8 ng Marso, samahan ang hanay ni Gabriela na paingayin ang mga panawagan ng sektor ng kababaihan. Magkakaroon ng iba’t ibang programa at aktibidades ang GABRIELA Southern Tagalog (Gab- ST), pang-rehiyon na alyansa ng pwersa ng mga kababaihan kaugnay ang Gabriela Youth- UPLB, sa mga piling araw ng Marso upang palakasin ang mga panawagan ng hanay ng mga kababaihan na may diwang nakikibaka. Ang mga sumusunod na petsa ay ang mga programang ilulunsad ng samahan kaugnay ng malawakang pagkilos ng Timog Katagalugan sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis ngayong buwan ng Marso:

  • March 7: UPLB Babaylan’s All Over Her Story: Drag Show
  • March 8: Southern Tagalog IWD 2023 Caravan 
  • March 15, 22, 29: PAKUM Fest
  • March 30: GY-UPLB Cultural Night
  • March 31: GY-UPLB Basic Mass Integration

Mga lathala mula sa Gabriela Youth – UPLB / Facebook

Bilang karagdagan at suporta sa pagkilos na ito, maaarin din magpaabot ng tulong sa gaganaping International Women’s Day Southern Tagalog Caravan ngayong Miyerkoles, ika-8 ng Marso. I-scan lamang ang QR Code at lagyan ng “Para sa IWDST Caravan” na code para sa opisyal na donasyon.

Maaaring magpadala ng mensahe sa opisyal na Facebook page ng GY – UPLB para sa karagdagang detalye ng mga nasabing mga programa at iba pang suhestiyong nais ipaabot sa organisasyon. Ang GABRIELA Youth – UPLB ay isang pangmasang organisasyon sa pamantasan at youth arm ng GABRIELA, ang primaryang alyansa ng mga progresibong grupong nagsusulong ng pangunahing karapatan ng mga kababaihan.

Patuloy na panawagan ng #NoToJeepneyPhaseout

Kaalinsabay ng kasalukuyang pambansang transportation strike ng mga tsuper sa iba’t ibang rehiyon sa bansa, naglunsad din ang iba’t ibang mga progresibong grupo ng mga kampanya para suportahan at tulungan ang sektor sa kanilang mga isinasagawang pagkilos.

Lathala mula sa Serve The People Brigade – UPLB / Facebook

Naglunsad ang Serve The People Brigade – UPLB ng isang donation drive kaugnay na planong pagbuo ng community pantry bilang pagsuporta at tulong sa mga tsuper na kalahok sa malawakang strike sa mga bayan ng Los Baños, Bay, at Calauan. Maaring makapagbigay ng monetary na donasiyon sa kanilang organisasiyon sa mga ibinigay nilang account at contacts. Para sa iba pang impormasyon patungkol sa programa, maaari silang sanguniin sa STPB – UPLB Facebook at Twitter accounts.

Pinapangunahan ang programang ito ng Serve The People Brigade – UPLB, at aktibong nilalahukan ng UPLB University Student Council, UPLB Perspective [P], Youth Advocates for Peace with Justice – UPLB, Anakbayan – UPLB, GABRIELA Youth – UPLB, National Network of Agrarian Reform Advocates – Youth UPLB, League of Filipino Students – UPLB, Panday Sining – UPLB, Kulturang Ugnayan ng Kabataan Alay sa Bayan – KULAYAN-UPLB, at Samahan ng Kabataan para sa Bayan – SAKBAYAN-UPLB.

Lathala mula sa Starter Piston / Facebook

Nanawagan din ang grupong Southern Tagalog Region Transport Sector Organization (Starter – Piston) na lumahok ang bawat isa sa kasalukuyang tigil-pasada at pakinggan ang mga hinaing ng sektor, dahil ang laban ng mga tsuper ay laban din naman nating mga komyuter. 

Naglunsad ang grupo ng isa ring donation drive kaugnay at bilang suporta pa rin sa malawakang transportation strike ngayong linggo. Maaaring magbigay ng donasyon sa sumusunod nilang account at contacts. Patuloy silang maaabot sa kanilang opisiyal na Facebook accounts, para sa mga isasagawa pang pagkilos at mobilisasyon ng sektor sa kalakhan ng Timog Katagalugan.

Lathala mula sa Balai Obrero Foundation Inc. / Facebook

Nanawagan din ang Balai Obrero Foundation Inc.sa lahat ng may kakayanang tumulong na makapagbigay ng tulong at suporta sa mga drayber na sa kasalukuyan ay aktibong nakikilahok sa malawakang tigil-pasada. Maaring makapagpaabot ng tulong sa mga opisyal na accounts na kanilang ibinigay. Tumatanggap din ang organisasyon ng mga in-kind donations, magtungo lamang sa sumusunod na address:

  • In-kind donations (Drop-off point: Balai Obrero Foundation, #63 Narra Street, Project 3, Quezon City)

Ang Balai Obrero Foundation Inc. ay isang non-governmental organization na pangunahin nagkakampanya ng tulong obrero, na naglalayon mag-abot ng tulong sa sektor ng manggagawa. Sa kasalukuyan, ang organisasyon ay may aktibong alyansa sa mga progresibong grupo para sa manggagawa gaya ng Kilusang Mayo Uno at PISTON.

Paggunita sa Bloody Sunday Massacre

Sa pagsapit ng Marso 7, gugunitain ang madugong annibersaryo ng Southern Tagalog Bloody Sunday Massacre kung saan siyam na progresibong personalidad sa rehiyon ang pinaslang sa iba’t ibang operasyon ng mga pulisya, at anim naman ang ilegal na inaresto mula sa mga gawa-gawang kaso. Kinikilala ito bilang isang tahasang manipestasyon ng kultura ng impyunidad na pinamayani sa ilalim ng rehimeng Duterte.

Dalawang taon na ang nakalipas, walang nakamit na hustisya ang mga kaanak ng mga biktima, kaya magpapatuloy pa rin ang panawagan nila sa ilalim ng bagong rehimeng Marcos. Kaugnay nito, inaasahan ang malawakang mobilisasyon ng mga progresibong grupo sa rehiyon upang muling paingayin ang panawagan ng hustisya at pagpapanagot sa AFP-PNP sa mga brutal nitong paglabag sa karapatang pantao.

Naglunsad ang Defend Southern Tagalog ng isang donation campaign kung saan ang malilikom ay gagamitin bilang tulong sa pagsasagawa sa mga nasabing aktibidad at pagkilos. Sa mga nais magpaabot ng kanilang tulong, narito ang mga GCASH at BPI accounts ng organisasyon:

GCash

09065442512

Charmane Jay M.

Bank of the Philippine Islands (BPI)

Account No: 0919 2332 49

Account Name: Charmane Jay P. Maranan

Branch: BPI Los Banos Hi-way

Lathala mula sa Defend Southern Tagalog / Facebook at Twitter

Para sa mga karagdagang impormasyon at personal na suhestiyon na nais ipaabot sa organisasyon, maaaring maabot ang Defend Southern Tagalog sa kanilang mga opisyal social media accounts sa Facebook at Twitter.

Ang Defend Southern Tagalog ay panrehiyong alyansa ng mga progresibong organisasyon ng mga human rights victims at human rights defenders sa kalakhan ng Timog Katagalugan.


Orgwatch is an initiative by UPLB Perspective that aims to strengthen its efforts in promoting a pro-student and well-informed community. Interested parties who wish to include their efforts in this list may contact UPLB Perspective through their official Facebook page. [P]

Leave a comment