Buháy na arkibo ng pakikibaka 

Trigger Warning: Ang artikulong ito ay naglalaman ng ilang mga sensitibong detalye kagaya ng police brutality.

Ang artikulong ito ay mga sipi mula sa panayam ni Aira Angela J. Domingo kay Ka Jimmy Devilla Calanog at salin naman ni Stefano Gumata. 

Tatlumpu’t pitong taon na ang nakalipas mula nang maganap ang EDSA People Power Uprising kung saan napatalsik ng taumbayan ang pasista at diktador na si Ferdinand Marcos Sr. Sa kasalukuyan, ang anak naman nitong si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang nakaupong pangulo ng Pilipinas. 

Hanggang ngayon, patuloy pa rin ang pagtanggi ng pamilyang Marcos sa mga krimeng ginawa nila lalo na noong panahon ng Batas Militar. Subalit sa kabila ng mga pagtanggi at pagbaluktot sa kasaysayan, may ilan pa ring buhay na patunay na patuloy ang pagsasalaysay ng kanilang karanasan at patuloy na nakikibaka laban sa mapang-aping estado. 


Ano ang naging karanasan niyo noong panahon ng Batas Militar?

Marami. Actually, mas particular ako sa aking nakikita [at] nadidinig. Maliit na bahagi lamang ‘yung naranasan ko [sa] hitsurang aktibista. [Sa aking karanasan], sinaktan [at] hinuli nila ako. Binatukan, sinampal, tinadyakan, dinibdiban, talagang nagdidilim ang paningin ko, ‘di na ako makakita. Doon sa parte na ako ay nabugbog [ng MetroCom]. Noong una, ako ay galit pero pag-uwi ko sa amin, ‘yung galit ko natakpan ng takot, trauma. Basta ako’y nakakita ng MetroCom (Metropolitan Command), ako’y nanginginig [at] natatakot ako. Kaya ‘yung tinatawag nating “alab ng pakikibaka” ay nawala [sa’kin], [ito’y] natabunan ng takot. 

Pero yung, aking nakikita [noong Batas Militar], nung pumunta ako ng Quezon at nakita ko doon yung mga ginagawa ng military sa kanayunan. Merong mga taga-nayon na may alagang baboy, limang-buwan na ‘yung baboy, titrenta kilos pa lang, napakaliit ng trenta kilo. Pero ganoon sila nagtitiyaga, para kahit pagdating ng panahon ay pwede nilang gawing pera ‘yun. Pag [duma]daan ang military, dahil kailangan nila ng pagkain sa operation, bibitbitin nila ‘yung baboy. As in binitbit lang, parang [nag]snatch ka lang. Walang halaga sa kanila [militar] kung ano ‘yung kalagayan at nararamdaman ng mga mamamayan na naapektuhan ng kanilang ginagawa [at kinuhanan ng produkto].

At kasabay nun, ‘yung [mga] nababalitaan ko, halimbawa may mga kaibigan ako, dating kaklase, na nabalita ko lang sila ay nagtatago. [Bilang] mga kilala silang aktibista, kung baga sa ngayon sila ay nakaredtag. Doon sa mga safehouse nila [ay] mahuhuli sila, [tapos] papatayin. May ilang kaibigan akong nabalitaang ganoon ang nangyari. Dahil noon ay may news blackout, ‘yung government television lang ang talagang mapapanood mo sa T.V. Lahat ng pabor sa gobyerno, ‘yung magaganda kunwari na ginagawa ng gobyerno ay ‘yun lang ang iyong mapapanood. Nung panahon na ‘yon ay wala kang pahayagan na maaaring mabasa na tungkol sa tunay na nangyayari sa ating bayan. Itong malaya, [Balita ng Malayang Pilipinas] ito’y underground [na pahayagan] na kumbaga para itong shabu na patagong binebenta, ‘yung mga malaya lang [pahayagang nagbabalita ng katotohanan]. 

Tapos palalabasin ng mga taga-kabilang bakod na nagkaroon daw ng golden era noong panahon ng Martial Law. Wala akong nakikita, hindi ko matawag na golden era, baka kaya tinawag nila na golden era dahil ‘yung bigas na iyong bibilhin ay may halong mais [at] nagkukulay gold. Pero ‘yung ginhawa ay wala. 

***

Pero ano ba ang mga ginawa ng administrasyon Marcos Sr.? Kung titingan mo, parang may maganda namang ginawa. Nakapagbukas sila ng government corporation at napakaganda nito sa isang estado. Pero kung titingnan natin, kung [tatasahin] natin, ano ba naman ang nangyari? Lahat ng korporasyon na ito ay ginawang milking cow ng ating gobyerno. Ang mga kinikita nito ay kanilang kinukuha [at] dadalhin sa ibang bansa, sa Swiss Bank [halimbawa] at tsaka dinideposito sa kanilang pangalan. Sabi nila na maganda ang mga achievements ng dating pangulong Marcos pero ilang bilyon [naman] ang kanyang inutang. At ang halaga na ito ay nasa kalahati lamang ang nagamit, at ang iba [ay] saan [ba] napunta? Ayun, binulsa ng mga Marcoses.

[Sa kasalukuyang Marcos] Isipin mo, sa buong mundo, sa Pilipinas lamang nagkaroon ng ganito kamahal na presyo ng sibuyas. Pero nababalitaan natin sa social media na sa Mindoro ay 8-15 pesos nila makukuha from the farmer. Pagkatapos, mabebenta nila ng 500 to 800 Pesos. Tapos mababalita mo ang dami nang nabulok na sibuyas. Ngayong panahon ng anihan, nag-import tayo ng sibuyas. Anong klaseng sistema ang ginagawa ng gobyernong ito? Ang DepEd, ang [niraratsada] nila ngayon ay ROTC. And dahil sila mag pro-provide ng mga kailangan sa ROTC, billions na naman na budget. Ang dami nilang dapat bigyan ng pansin [kagaya kung] gaano karami[ng] libo-libong classrooms pa ang kailangan. Ang baba ng sahod ng mga teachers kung ikukumpara natin sa mga sundalo at mga kapulisan. Pero bakit ganito ang kanilang mga ginagawa?

Ang suma-total ng aking sinasabi na ito, ang matandang Marcos at bagong Marcos, ay walang pinag-iba. Ito lamang, batang Marcos ay mapagkunwaring si mapagkumbaba, mabait, mahal niya ang tao. Pero ang lahat ng kanyang sinasabi ay taliwas sa kanyang ginagawa. Pero katulad din nung sinasabi ko, kung papaano nung panahon ng Martial Law. Ang ating mga militar ay pinahihirapan ang taong bayan, lalo na sa lugar ng kanayunan ay ganoon din ang ginagawa ngayon. Walang pinag-iba. Nagpalit baro lang, ‘yung nag-disguise siya na matino. 

***

Wala akong makita na maganda tayong hinaharap sa administrasyon na ito. At yun nga, ‘yung [paglulunsad] ng panibagong people power. Ang [sa’kin] naman doon ay hindi yung biglaan na people power. Not on the 25, pero ito’y isang maaring magamit nating chomping board sa ating nakikita. Ang kailangan natin ay pag-oorganisa. Patuloy na pangangalap ng mapapaniwala natin sa tunay na nangyayari. Kung papaano natin sila mabibigyan, magkakaroon ng paniniwala na maging makabayan, wag ‘yung sarili lamang. Ito ‘yung magdadala sa atin sa tamang panahon sa pagbabago. At maaaring hindi katulad nung 1986 na people power ang susunod. Pero dahil punong-puno na ang tao, nakikita nila ang paghihirap at kawalang kilos ng pamahalaan para sa ikabubuti ng mamamayan. Ang taong bayan ay kusang mag-aalsa. 

Sa inyong palagay, ano ang kahalagahan na lumaban at makibaka laban sa mapang-aping estado?

‘Yan ay isang moral obligation ng bawat Pilipino. Alam mo minsan, yung mga tao, ay ang tingin nila sa mga aktibista ay mga rebelled. Katulad ng ginagawa na pangungumbinsi ng militar na ang mga aktibista ay mga terorista. Hindi. Ipinapakita natin ang ating mga kilos-protesta, paghahayag ng ating pagka-disgusto sa sistema ng pamahalaan. Tayo ba ay lumalaban sa gobyerno? Hindi, yung mga taong [nasa] gobyerno ang ating linalabanan dahil mali ang kanilang ginagawa.

Ano ang masasabi niyo sa kasalukuyang gobyerno?

Aba, ay nako napakabulok. Wala akong makitang magandang pinaplano ng gobyernong ito. Lahat ng [ginagawa] nila ay paano sila kikita. Meron bang hustisya? Anong nangyari kay dating senador De Lima? Wala nang ebidensya [at] wala nang testigo na lumalaban sa kanya, pero nakakulong pa rin. Pero ‘yung anak ni Remulla, redhanded nahuli doon sa mga marijuana, dahil lang sa pagkakamali nung nag-file nung pangalan, dismissed yung kaso. May hustisya ba?

‘Yung nangyari kay Manny Asuncion. Nakakausap ko sila, nagkakausap kami, nagkaka-chat kami. Hustisya ba to? Ito ba yung hustisyang tinatawag nila? Ito ba yung sinasabi ni Remulla na meron tayong parehas na hustisya? Mali na. Bakit ngayon, si Gloria Macapagal Arroyo ay nag-file ng isang bill para proteksyonan si Duterte. Alam natin ang mga kahayupang ginawa ni Duterte. Ang kaniyang mga paglabag sa karapatang pantao. Kung ibabase natin doon sa alam nating nangyari, siya ay guilty at magiging guilty for crimes against humanity. Bakit itong congress eh maglalabas ng batas para siya ay proteksiyonan? Wala akong nakita na isa man na ginagawa ang ating pamahalaan para sa kabutihan ng ating bayan.

***

Ilang taon man ang lumipas subalit patuloy ang panawagan ng mga buhay na patunay noong Batas Militar na ipagpatuloy ang pakikibaka para sa mas mapagpalayang lipunan.

Hindi maikakaila ang kapangyarihan ng EDSA People Power Uprising noong nailuwal ito ng kanyang panahon. Ngunit hamon sa makabagong henerasyon kung paano muling maisasabuhay ang diwa nito sa pamamagitan ng pagmulat, pag-organisa at pag-mobilisa sa masang Pilipino. [P]

Si Ka Jimmy ang regional chairman for good governance ng Southern Tagalog Regional Ecumenical Affair Movement (STREAM)


The UPLB Perspective is accepting opinion articles that touch on relevant issues concerning news, politics, culture, and personal experiences. Send your articles or queries to opinion.uplbperspective@gmail.com

Leave a comment