Paglalaho sa birtwal na mundo ng kolehiyo

ni Aira Angela Domingo

Kagaya ng isang fairy tale; once upon a time ay nangarap akong pumasok sa Unibersidad ng Pilipinas. Parang magic at nakapasa nga ako sa dating pinapangarap ko lang na pamantasan. Hindi ko na mabilang kung ilang beses kong pinantasya ang sarili na nagbabasa sa library, sumasakay sa kaliwa’t kanan na dyip paikot at paakyat ng campus, at kung anu-ano pa. 

Subalit nanatili itong pantasya kahit nakatapos na ako ng isang semestre. Sa online set-up ng edukasyon ay waring pinalaho ng birtwal na mundo ang mga imperatibong karanasan ng isang estudyante. Ang unang taon ko sa kolehiyo ay binubuo ng maraming kawalan. 

Naglaho na parang bula ang mga aralin. Patuloy na naging sagabal para sa mga estudyante ang mabagal at hindi maaasahan na internet connection. Mas namamayani ang putol-putol na mga tunog kaysa sa talakayan. Ginigiba nito ang mga araling dapat sana’y matututuhan. 

Ayon sa sarbey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS), 31% ng pamilyang Pilipino na mayroong distance learner ang nagsasabing mahina ang kanilang internet connection. Bukod pa sa isyu ng internet ay nagiging sagabal din ang kakulangan sa maayos at tahimik na espasyo na kaaya-aya at angkop para sa remote learning. Noong minsan, kailangan pang kausapin ng aking nanay ang aming kapitbahay para hinaan ang kanilang karaoke dahil kailangan kong mag-report sa klase. Sa mga ganitong pagkakataon lalong lumilitaw na eksklusibo ang online learning sa mga may kakayanang magkaroon ng conducive learning environment, maraming estudyanteng napag-iiwanan dahil sa kakulangan sa pribilehiyo at kakayanang makapaglaan ng conducive learning environment. 

Higit pa sa materyal na bagay, pinaglalaho rin ng birtwal na mundo ang koneksyon ng mga mag-aaral sa kapwa niya estudyante. Kahit pa may ilang nakakabuo ng ‘ika nga’y circle of friends sa gitna ng online setup, marami pa ring mga naiiwan na mag-isa. Isa sa mga kinatatakutan ko ngayong kolehiyo ang mawalan ng kaibigang tutulong sa akin. Hindi katulad ng iba na maraming koneksyon sa unibersidad, halos tatlong tao lang yata ang kilala ko sa UPLB noong una. Swerte na lang siguro ako sa mga kaklase at organisasyon na sinalihan ko, dagdag din ito sa kinagigiliwan ko ngayong kolehiyo. Subalit minsan, nararamdaman ko pa ring mag-isa kong ginagaod ang lahat. Sapilitan kaming pinagwawatak-watak ng birtwal na mundo, ikinakahon sa indibidwalismo. Para bang sinadyang ikulong tayo ng sistema upang humiwalay sa kolektibong mundo. 

Hindi man natin namamalayan ngunit mismong mga estudyante ang naglalaho at nalulubog sa birtwal na mundo. Halos anim na milyong mag-aaral sa elementarya hanggang hayskul ang bigong makapag-enroll sa school year 2020-2021. Samantala, sa UPLB naman ay maraming mag-aaral ang nag-file at kinukonsiderang mag-file ng Leave of Absence (LOA) sa pangalawang semestre ng Academic Year 2020-2021, dahil sa bigat ng mga gawain at kompromisadong pagkatuto. 

Bukod pa rito, maraming mag-aaral din ang hindi nakaligtas sa COVID-19. Isa ako sa mga nagkaroon ng mga sintomas ng COVID-19 noong nakaraang Enero 2022. Buong pamilya namin ang nakaranas ng sintomas ngunit dahil sa takot na magpositibo sa virus at gumastos ng malaki sa gamutan ay pinili na lang naming mag self-quarantine kagaya ng iba. Dagdag pa sa nararamdaman kong anxiety laban sa hindi siguradong sakit ay ang mga groupworks na hindi pa tapos dahil naantala sa biglang taas ng mga kaso ng COVID-19. 

Sa kasawiang-palad, isa sa mga kagrupo ko sa isang proyekto, ang nag positibo rin sa virus. Kahit gan’on pa man ay pinilit kami ng sistema na magpasa ng mga requirements habang siya ay naka-quarantine. Mismong mga estudyante na ang umaalis sa birtwal na mundong ito, o baka naman sadyang pinapalayas talaga tayo nito

Pinalaho rin ng birtwal na mundo ang napakaraming bagay at tao. Subalit, kailangan din natin ng matalas na pagtingin kung sino ba ang may pananagutan sa lahat ng mga nawala sa atin. Sino ba ang may kontrol ng mga polisiya at ang may responsibilidad sa malawak na nasasakupan ng lipunan? Bandang huli, ang tunay na lumusaw sa mga karanasang inaasam ko sa kolehiyo ay ang gobyernong pilit akong kinukulong sa birtwal na mundo.

Hindi tayo pinapagalaw sapagkat gusto nilang angkinin ang daigdig habang ang daming naglalaho. Kagaya ng mga naglahong pondo para sana sa COVID-19 reponse. Ipinakita ng 2020 annual audit report ng Commission on Audit (COA) ang mga deficiencies sa paggamit ng pondo ng mga ahensya ng pamahalaan. Subalit hindi lang pondo ang naglaho kundi mga buhay rin. Ngayong pandemya ay patuloy pa rin ang programa ng administrasyon laban sa droga. Dumoble ang pagtaas ng extrajudicial killings (EJK)  noong Abril hanggang Hulyo 2020 habang nasa lockdown ang bansa.

 Patuloy rin ang mga banta at atake sa mga aktibista, mamamahayag, abogado at marami pang iba. Imbes na lumikha ng mga programa at polisiya upang tuluyan tayong maging ligtas at makabalik sa eskwelahan, inuna pa ng pamahalaan ang mga bagay na walang katuturan. Kinukulong tayo sa birtwal na mundo, at ginawang abala sa pagsulat ng mga sanaysay, pagsagot ng mga virtual exam, pag-eedit ng mga vlog, upang malayo tayo sa realidad–mas lumala ang korapsyon, impyunidad at pasismo ngayong pandemya. Habang tayo ay tutok sa birtwal na mundo, marami na silang binulsa, pinaslang, at mga karapatang sinupil.

Iba’t ibang uri ng paglalaho ang naranasan ko sa unang taon ko sa kolehiyo. Hindi lang edukasyon at tunay na pagkatuto ang naglaho kundi pati ang kamalayan natin sa mga pangyayari sa lipunan. Kahit maraming nawala sa atin, anguong  mabuting balita ay  hindi pa huli ang lahat para kumilos at tumanaw sa labas ng birtwal na mundo upang tumindig para sa edukasyon, tunay na pagkatuto, at iba pang karapatan para mabuhay.
Bagamat maraming pagkakataon upang kumilos, kagyat ang pangangailangan ng ating mundo, kaya ang tamang panahon para mamulat sa nangyayari at magpas’yang kumilos ay ngayon na. [P]

dibuho ni Jase Manatad

Leave a comment