Para kay John Carlo Alberto, Martir ng Sambayanan

ni John Daryl Alcantara ng UPLB Writers’ Club

Mula sa Patnugot: Ang tulang ito ay mula sa UPLB Perspective Bolyum 46, Isyu 1.

“Bagamat ang kamatayan ay sumasapit sa lahat ng tao,
ito ay maaaring higit na mabigat kaysa Bundok Tay
o higit na magaan kaysa balahibo”
—SZUMA CHIEN

i.

bago sumabog ang balita

bumagsak muna ito

bilang bulong sa araw

mismo ng mga puso:

isang kasama,

kinitil sa engkwentro.

bagaman batid naman naming sasapit

ang takipsilim sa lahat,

umasa muna kami

sa mirakulong baka pagkagising

kinabukasan ay mali pala

ang impormasyong nakarating

ii.

mayroon munang pagtanggi.

hindi maaring ganito

ngunit ganito pala talaga

kadali at kakagyat na kayang

putulin ng mga pasistang papet

ang lubid ng buhay ng isang tao:

matapos balasubasin sa digma

ibinibilad na lang basta sa larang!

iii.

kasabay ng mga pakikiramay

sa burol mo magpipyesta

ang mga panatikong nanghihinayang

di umano

sa sinayang mong talino,

ay baka graduate ka na rin daw,

at masaganang nagpapakasasa

sa yamang tulad ng sa kanila

ay dapat ay sa iba!

bakit ka ba raw kasi nagpabulag

sa mga hangal mong pangarap

ng panlipunang pagbabagong hindi

naman kailanman magaganap

iv.

bukambibig nilang mga kumitil sa ‘yo

na prayoridad daw nila ang kaligtasan

ng mga tulad nating kinabukasan ng bayan

kaya’t huwag na lang daw tayo mag-aklas

at imik na lamang na hayaan

ang pambubusabos nila sa ating kapwa,

sa ngalan ng tubo,

sa ngalan ng reaksyonaryong gobyero

sa ngalan ng bulok na estado

wala naman raw silang masamang hangarin

kundi preserbahin ang kapayapaang

hindi para sa masang inaapi,

kundi para lamang sa iilan.

v.

hanggang huling hantungan mo

ay malinaw mo pa rin naiparating

yaong aral na madalas bigkasin

noong walang kaparis ang kasikhayan

na kung ang pakikibaka

para interes ng masa

ay isang kahibangan

mas mabuti nang matawag na hangal

kaysa pilosopong walang inatubili

kundi ang sariling tiyan.

vi.

matagal na tayong binalaan

na huwag na raw mangialam

at manahimik na lang. sa klase,

makinig. hayaan na silang

mga pulitikong pulpol

ang mamroblema sa problemang

sila rin ang may pakana.

ngunit di gaya naming kamag-aral mo,

mas bibo ka carlo, sa pagtugon,

hindi ng sagot, kundi ng tanong,

ng walang humpay na pagtatanong,

pagkat hindi ka takot sa pagharap

sa higit pang kontradiksyon

ng paulit-ulit na “para kanino?”

vii.

nang lisanin mo ang pamantasan

at nagpasyang sumampa,

ibang pagtatapos na ang pinangarap mo

higit sa pagtupad ng pangarap

ng iyong mga magulang,

inuna mo ang pangarap ng milyong higit

na pamilya, na bagaman di kilala,

ay kasama ring nangagarap ng pagtatapos

ng hirap, gutom at pasakit!

kaya marapat lang din

na ikuyom namin ang aming mga kamao

at isuntok ito sa langit

sa ritmo ng pagtibok ng puso

at ibaling itong dilim

ng pagluluksa sa pagpapanday

ng malayang bukas

at silangang mapula!

One thought on “Para kay John Carlo Alberto, Martir ng Sambayanan

Leave a comment